(Kasaysayan ni E.A.E.)
KILALA ko ang boses ni Aling Mi ling at hindi ako maaaring magkamali na siya ang kausap ni Gil. Kahit nakaawang nang bahagya ang pinto, hindi maikakaila ang malagong boses ni Aling Miling.
Kinabahan ako kaya umalis ako sa pagkakaupo sa harap ng mesa at bahagyang nagkubli sa divider. Kung sisilip sa loob si Aling Miling, hindi niya ako makikita. Kabisado ko na si Aling Miling. Bukod sa babaing “mahilig sa lalaki” tsismosa rin siya. Kapag nakita niya ako tiyak na makararating kay Kuya Mike at patay ako. Siguradong sasabihin niya na mayroon kaming ginagawa ni Gil sa kuwarto. Madali nang mag-imbento ng ikukuwento. Lalo pa’t may lihim siyang inis kay Gil dahil hindi niya ito “nakuha”.
Patuloy ang pag-uusap ng dalawa. Pinagmamasdan ko si Gil na habang nakikipag-usap kay Aling Miling ay nakahawak ang kanang kamay sa pinto na parang nakahandang isara sakali’t pumasok si Aling Miling. Ano kaya ang sadya ni Aling Miling at parang mahalagang-mahalaga ang pinag-uusapan.
Akala ko ba’y hindi na siya pinapansin ng matanda dahil sa pagtanggi niya sa kagustuhan nito? Baka si Aling Miling ang gumagawa ng paraan para sila magkabati muli.
Istorbong matanda ito, naibulong ko. Ang sarap ng kain namin ni Gil ay biglang umeksena. Nabitin tuloy ang kain ko.
Hanggang sa mapansin ko na tuluyan nang isinara ni Gil ang pinto. Nagmamadaling nagtungo sa kinaroroonan ko.
“Huwag ka munang lalabas, Nene at baka makita ka ni Aling Bogli…”
“Bakit Gil?”
“Pinapupunta ako sa kuwarto niya at may ipinaaayos. Hindi raw niya maisara ang gripo e bumabaha na sa salas niya.”
“Bakit ikaw ang tinawag?”
“Ewan ko. Sandali at pupuntahan ko. Huwag kang lalabas. Ipagpatuloy mo ang pagkain at babalik agad ako.”
“Sige. Pero kapag nagtagal ka, pupunta na ako sa kuwarto ko at baka makita pa ako ni Aling Miling dito e kung ano ang itsismis sa akin.”
“Basta dito ka lang at babalik agad ako. Marami pa tayong gagawin…”
Hindi ako nagsalita.
Mabilis namang lumabas si Gil at kinabig ang pinto.
Ipinagpatuloy ko ang pagkain.
(Itutuloy)