(Kasaysayan ni L.B.G)
DALAWANG sulat pa ang natanggap ko mula sa aking kamag-anak at pawang nagsasabing “naaawa” siya sa akin dahil sa ginagawa ng aking asawa. Hindi na raw niya kayang magbulag-bulagan sa nakikitang “paglalaro ng apoy” ng asawa kong si Mariz. Hindi lamang daw siya gumagawa ng kuwento para paghiwalayin kami ni Mariz. Ang sa kanya raw ay para makagawa ako ng hakbang laban sa aking asawa.
At ang mga sulat na iyon ang naging dahilan para mapilitan akong umuwi at hulihin sa akto ang aking asawa. Pinag-aralan ko ang mga gagawin. Huhulihin ko sila para matibay ang ebidensiya.
“Buo na ang plano ko, Sam. Uuwi ako sa isang linggo.”
Bahagyang nagulat si Sam.
“A e mabuti Bro para makapag-imbestiga ka. Huwag mo lang kalilimutan ang sinabi ko — maging positibo ka sa lahat ng oras. Huwag kang gagawa nang ikapapahamak mo. Pakiusap lang Bro…”
Tumangu-tango ako.
Madali akong nakakuha ng ticket. Naayos ang lahat sa biglaan kong pag-uwi. Si Sam lamang ang nakaalam sa biglaan kong pag-uwi.
Si Sam din lang ang naghatid sa akin sa airport. Nang maghihiwa-lay na kami, binigyan ako ng pera ni Sam.
“Baon mo Bro. H’wag mo lang kalimutan ang paalala ko.”
“Salamat Sam.”
“Bumalik ka na walang sugat, Bro.”
(Itutuloy)