(Kasaysayan ni L.B.G.)
HABANG naghihintay daw si Sam kay Nellie ay kumain siya ng mani. Iniisip daw niya na ibang mani na ang matitikman maya-maya lang.
Sanay na raw sa ganoong sitwasyon si Sam na nasa ibang bahay para umangkin nang hindi niya pag-aari. Kaya wala nang takot na nadarama kahit na ang nakatakdang tikman ay pag-aari ng dayuhan. Wala raw siyang kaba na mahuhuli ng Briton. Tiyak na hindi siya mahuhuli sapagkat wala ang Briton. Kumpirmado. Maski nga si Nellie ay kampante siyang pinatuloy. Ibig sabihin, malayang-malaya.
“Halika na Sam,” tawag ni Nellie mula sa kusina.
Tumayo si Sam at kampanteng nagtungo sa kusina.
“Ano bang niluto mo Nellie?”
“Bistik at sinigang na tanigue.”
“Waw! Parang nasa Pinas ah.”
“Maupo ka na. Ngayon nga lang ako nakapagluto nito. Wala kasi si Tom. Kapag andito yun baka nabigwasan ako….” At napatigil sa pagsasalita si Nellie. Nabigla yata sa sinabi.
Pero nagkunwari raw si Sam na hindi napansin ang pagkabigla ni Nellie.
“Masarap sigurado ang luto mo. Sa amoy pa lang…”
“Tikman mo muna para malaman.”
Tinikman ni Sam ang sinigang. Napa-waw daw siya sa sarap. Tinikman ang bistik at napa-waw din sa sarap.
Masaya silang nagsalo ni Nellie. Pinagsilbihan siya ni Nellie.
“Espesyal kitang bisita kaya ganito ang pag-istima ko.”
Pagkatapos niyon ay masarap din ang pagsasalo nila. Wala nang salitaan pa. Pawang mga mata lamang nila ang nag-usap.
Sa sopa sila nagtalik ni Nellie. Hindi na nila pinalampas ang nadamang init. Kung gaano kainit si Sam, ganoon din kainit si Nellie. Sa pakiwari ni Sam, kulang na kulang si Nellie sa pagmamahal. Umaga na umalis si Sam sa bahay ni Nellie. Nangako na babalik kinagabihan si Sam.
Bumalik nga si Sam kinagabihan.
Isang buwan na halos doon nakatira sa bahay ni Nellie si Sam.
(Itutuloy)