Ellang (134)

(Kasaysayan ni M.R.A. ng Riyadh, KSA)

“MALAKING kasalanan ang naiisip mong pag­papalaglag. Alam mo ba na pati ikaw ay maaaring mamatay kapag hindi tumigil ang pagdurugo. Naku, Ellang para mo nang awa sa buhay na papatayin mo…”

Natauhan ako. Bakit nga ba masyadong na­ giging madilim na ang mundo sa pagkakatingin ko. Ngayon pa ba ako mawawalan ng pag-asa e narito na ako sa Pinas at may ina at mga kaibi­gang kagaya ni Sister Cynth na handang du­mamay. Ngayon pa ba ako masisiraan at pang­hihinaan ng loob? Ano ba ang kasalanan ng nasa sinapupunan ko at siya ang gagantihan ko?

Saka ay naisip ko ang mga ginawang pagdara­sal at pagbabasa ng Bible sa Riyadh. Para ko na ring sinampal ang Diyos sa aking gagawing pagpatay sa buhay na nasa aking sinapupunan.

Niyakap ko si Inay nang mahigpit. Sa pagi-tan ng hikbi ay humingi ako ng tawad.

“Patawad po Inay. Masyado lamang akong nasiraan ng loob dahil siguro sa mga sakit na naranasan ko. At siguro’y dahil din kay…”

“Kay Dolfo? Huwag mo na siyang asahan pa, Ellang. Ang isang lalaki kung talagang mahal ang babae, gagawa ng paraan para sila magkita…”

Pinakinggan ko ang mga plano ni Inay para hindi naman ako maging kahiya-hiya habang nag­bubuntis.

“Aalis muna tayo rito. Sa probinsiya muna tayo para maging tahimik ang buhay.”

“Opo, Inay. Kayo na po ang masusunod.”

Sumunod na linggo ay nag-impake na kami ng mga damit.

Isang madaling-araw, na tahimik na tahimik ang kapaligiran ay umalis kami ni Inay. Kung kailan kami babalik sa Maynila ay hindi namin alam.

(Itutuloy)

Show comments