(Kasaysayan ni M.R.A. ng Riyadh, KSA)
KUNG gaano kabilis nangyari ang mga bangungot sa aking buhay, ganoon din naman kabilis nalutas at nagkaroon ng hustisya. Para bang istorya sa pelikula at komiks ang nangyari sa akin. Nadapa, nasaktan at mayroon pa palang pag-asang makabangon.
Malaki ang utang na loob ko kina Sis-ter Cynth, kanyang asawa at sa mga miyembro ng church. Kung hindi sa kanila ay baka kung ano na ang nangyari sa akin sa tindi ng depression. Gusto nang bumigay ng isip ko. Sa tulong nina Sister Cynth ay nakakapit pa rin ako. Hindi natutulog ang Diyos sapagkat sa kabila ng nangyaring kasawian ay mayroon pa palang naghihintay na bagong pag-asa sa kinabukasan.
Nag-ambag-ambag sina Sister Cynth ng pera at ang nakolekta ay ibinigay sa akin. Malaking halaga rin. Gamitin ko raw iyon sa pagbangong muli. Huwag na huwag na raw akong magbalak pang mangibang bansa. Sa Pilipinas na lamang daw ako sapagkat mas safe ang nasa sariling bansa.
“Kapag may kailangan ka, tawagan mo lamang ako sa cell phone Ellang,” sabi ni Sister Cynth.
Saka ko lamang naalala ang aking cell phone. Nasaan na iyon?
“Nawawala ang cell phone ko Sister Cynth,” sabi ko.
“Teka di ba tinawagan mo ako noong may mangyari sa’yo. Saan mo inilagay?”
“Hindi ko na matandaan, Sister.”
“Nang makita ka namin ng araw na iyon ay nakahandusay ka sa may punong dates at tila wala nang ulirat. Kung ganoon ay naiwanan mo sa lugar na iyon ang cell phone…”
Naalala ko na. Oo nga. Pagkatapos kong tawagan si Sister Cynth ay malayo na rin ang aking nalakad mula sa bahay. Sa bahaging may disyerto ako naglakad para hindi ma- kita ng demonyo kong amo, sakali at magbalik. Doon na ako lubos na nanghina.
“Paano ka namin makokontak?”
Isang kamiyembro ng church ang nag-offer na ibigay ang cell phone sa akin.
“Bago pa ‘yan Sister Ellang…”
“Salamat, Brother…”
“Tumawag ka lamang kapag may kailangan ka at narito kami para tumulong.”
Marami ang naghatid sa akin sa King Khaled International Airport. Nakaiiyak ang pagpapaalaman. Hindi nila ako iniwan hangga’t hindi nakapapa-sok sa loob.
Nang araw na iyon ay may mga kasabay din akong Pinay na inabuso ng kanilang amo. Magkakatabi kami sa eroplano. Nagsi-share kami ng mga karanasan. Ang isa ay matindi ang naranasan sa kanyang amo, ginahasa at ngayon ay buntis.
Iyon ang isang nagbigay sa akin ng takot. Paano kung buntis din ako? Paano kung mabuhay ang punla ng demonyo sa aking sinapupunan? Alam ko, fertile period ako nang mangyari ang kawalanghiyaan sa akin.
Napahagulgol akong bigla bagay na ikinagulat ng mga katabi ko sa eroplano.
“Bakit?” tanong ng katabi ko.
Sinabi ko ang aking kinatatakutan.
“Kung mangyari ang kinatatakutan mo, huwag mo siyang papatayin, palakihin mo. Malay mo, baka maging Presidente ng Pilipinas ‘yan…”
Nabawasan ang bigat ng dibdib ko.
Pagkaraan ng walong oras ay nasa Ninoy Aquino Inter-national Airport na kami. Alam kong susunduin ako ng nanay ko. Isinulat na nina Sister Cynth ang lahat. Walang inilihim.
Nang makalabas na kami ng eroplano, pakiramdam ko, nakatakas na ako sa impiyerno.
(Itutuloy)