Ellang (89)

(Kasaysayan ni M.R.A. ng Riyadh, KSA)

NANG matapos ang aming gawain ay may mahalagang sinabi si Sister Cynth at iba pang elders.

“Hindi na muna tayo sa bahay na ito mag­titipon sa Biyernes kasi may nasagap kaming info na may mga In­diano na aali-aligid dito noong nakaraang ling­go. Mahirap nang mag­bintang pero malakas ang aming kutob na baka itsutsu tayo ng  mga “itik” sa mga motawa. Mabuti   na ang nag-iingat…”

“Saan po tayo mag­sa­sagawa ng gawain, Sister?” tanong ng isa.

“Sa bahay na muna nina Bro. Jun sa may  Raw­dah. Sa may Al-Amro.”

Nang marinig ni Dolfo ang Rawdah ay may binulong sa akin.

“Malapit lang yon sa aming housing.”

“Talaga.”

“Oo. Puwedeng la­karin.”

“Buti ka pa at mala­pit,” sabi ko.

Ibinigay nina Sister Cynth ang sketch ng lugar.

“Sa Biyernes ay doon na tayo. Mas safe roon dahil pawang housing ng Pinoys ang nakapa­ ligid,” sabi ni Sister Cynth.

Bumulong uli sa akin si Dolfo.

“Marami ngang Pinoy doon kaya medyo ligtas.”

“Paano kung Pinoy din ang magturo sa atin?”

“Iyon nga lang ang delikado.”

Bago kami nag-uwi­an ay hindi ko akalain na kukulitin ako ni Dolfo.

“Akina ang phone  mo Ellang. Di ba sabi mo kanina ibibigay mo bago tayo maghiwa-hiwalay. Gusto kong marinig ang kuwento mo. Ano ngang number mo?”

Wala na akong naga­wa kundi ibigay ang   num­ber. Isinulat iyon ni Dolfo sa kapirasong papel.

“Anong oras ka ba puwedeng tawagan, Ellang?”

“Mga alas-diyes ng umaga.”

“Sige. Tatawagan kita bukas.”

Naghiwa-hiwalay na kami. Masaya tala­ga ako ng araw na iyon. Hindi lamang dahil sa nagkita kami ni Dolfo kundi nakarinig ako ng salita ng Diyos.

(Itutuloy)

Show comments