Ellang(85)
(Kasaysayan ni M.R.A. ng Riyadh, KSA)
HABANG tumatagal ay marami akong napapansin sa pamangkin ni Madam na si Rashid. Aywan ko kung nag-iisip lamang ako ng masama kay Rashid pero may hinala akong ang pakikipagbarkada niya ay lalong nagpadagdag sa kanyang kakaibang ugali. Gumagaspang nang gumagaspang ang ugali. At dahil dito ay lalo akong dumidistansiya sa kanya. Ni hindi ako nakikipag-usap. Kapag may tinata- nong sa akin ay hindi ako gaanong lumalapit. Hindi ko nalilimutan ang paalala ni Sister Cynth at Bro. Ben na doblehin ang pag-iingat. At maski nga ang bagong kakilala kong si Dolfo ay nagpaalala rin na mag-ingat ako.
Sabi ni Sister Cynth, paggrabe nang paggrabe ang mga krimen o kasong kinasasangkutan ng mga lalaking tinedyer sa kasalukuyan. At idinagdag pa, natututo nang tumikim ng droga ang mga kabataan. Sa kabila raw na mahigpit sa bansang ito nakalulusot pa rin ang droga. Karamihan daw ng drugs ay ipinupuslit ng mga Pakistani. Karaniwang inilalagay ang droga sa mga damit ng bata o anak na kasama nila. Itinatahi sa bulsa ng pantalon o sa laylayan ng damit ng batang babae. Maraming nakalulusot na droga.
Alam ni Sister Cynth dahil isa siyang nurse. Mas maraming balita na dumarating sa ospital. At ang sabi pa ni Sister, maraming naaaksidenteng tinedyer sa sasakyan. Mga walang pakundangan kung magmaneho kaya naman kapag nabangga ay lasug-lasog ang katawan. Araw-araw daw ay may nangyayaring car accident. At ang mga tinedyer na sangkot sa accident ay lango sa alak o droga.
Sabi naman ni Bro. Ben, mga tarantado, bastos at walanghiya ang mga tinedyer na lalaki. Mismo raw si Bro. Ben ay nabiktima ng tatlong tinedyer. Naglalakad daw isang hapon si Bro. Ben nang bigla ay may nakita siyang tatlong tinedyer na nakasakay sa kotse at mabagal ang pagtakbo sa likuran niya. Tumabi raw si Bro. Ben at baka sagasaan siya. Nang walang anu-ano’y bigla raw inilabas ng isang tinedyer ang ulo sa bintana ng kotse at pagtapat sa naglalakad na si Bro. Ben ay hinampas siya sa tagili-ran ng matigas na bagay. Dalawang matitinding hampas daw ang dumapo sa tagiliran ni Bro. Ben at napaaringking siya sa sakit. Pagkatapos ay mabilis na pinasibad ang kotse. Nagtatawanan pa ang mga walanghiyang tinedyer. Mula raw noon ay nag-iingat na si Bro. Ben sa paglalakad sa kalsada.
Tumitikim na kaya ng droga o alak si Rashid at ganoon ang ugali? Hindi ko masiguro dahil pagdating sa bahay ay sa kanyang kuwarto agad nagtutungo. May pagkakataong paiiya-kin ang alaga kong si Abdulatiff. Kung anu-anong kalokohan ang gagawin kay Abdulatiff at kapag umiiyak na ay kung anu-ano ang sinasabing hindi ko naman maintindihan. Minumura niya ang walang muwang na si Abdulatiff. Parang sira na ang ulo ni Rashid. Kapag ayaw tumigil si Abdulatiff ay inaambahan na sasam-palin at minsan pa ay akmang duduraan. Ako naman ay hindi makakilos para sawayin siya at baka ako naman ang pagbalingan.
Minsang naghahanap ako ng isusuot na panty ay kung bakit hindi ko makita ang aking paborito. Ilang beses ko nang hinalungkat ang aking cabinet at ang aking maleta. Wala! Lumabas ako at tiningnan sa sampayan sa likod bahay at baka naiwan ko roon. Wala rin. Hindi ko malaman kung saan nailagay ang itim na bikini panty.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending