(Kasaysayan ni M.R.A. ng Riyadh, KSA)
HINDI na ako nagsusuot ng damit na maaaring mag-reveal ng bahagi ng aking katawan. Kung noon ay maaari akong magsuot ng t-shirt lamang at walang bra, at paiibabawan ko lang ng abaya, ngayon ay hindi ko na ginagawa iyon. Kung t-shirt lang at wala akong bra, tiyak na magpipista si Rashid sa malalaking “papaya”. Kaya balot na balot ang aking katawan kahit na nasa bahay. Mas mabuti nang walang makitang pagnanasaan ang tinedyer.
Napapansin ko naman na tila nawiwili na nga si Rashid sa paglabas ng bahay. Babantayan lamang ang pag-alis nina Sir at Madam at saka pupuslit na. Araw-araw ay ganoon ang ginagawa. Minsan, aalis at saka babalik pagkaraan ng kalahating oras. At aalis muli.
Nang tumagal ay isang oras nang nawawala si Rashid. Pagdating naman sa bahay ay magkukulong sa kuwarto. Aywan kung ano ang ginagawa.
Nang tumagal, natuklasan kong nakakuha na pala siya ng mga kaibigan. Nasilip ko minsan na tatlong kabataan na halos kasing-edad, kasing tangkad at kasing payat, ang nag-aabang sa may gate. Iyon ang mga kabarkada niya.
Minsan, may dalang football si Rashid nang umuwi. Nasilip ko siya. Naglaro marahil kasama ang tatlong kabarkada. Karaniwan nang sa disyerto naglalaro ng football ang mga kabataan. Paborito nila ang football.
Minsang umalis si Rashid ay sinamantala ko ang pagkakataon. Tumawag ako kay Sister Cynth. Pero wala si Sister at sa halip ay si Bro. Ben ang nakausap ko.
“Sa Friday sikapin mong makadalo at marami ta yong activity. Ikalimang anibersaryo na ng church. Maraming dadalo. Sayang naman, Ellang.”
“Sisikapin ko Bro. Ben.”
“Basta ingat lang.”
“Opo”.
Hindi ko naman inaasahan na papayagan ako ni Sir at Madam ng Biyernes na iyon na makapunta sa “Batha”. Iyon kasi ang dahilan ko — pupunta sa Batha. Nagsinungaling na naman ako pero ano ang aking magagawa. Iyon lang ang alam kong paraan. (Itutuloy)