Ellang (ika-75 na labas)
IYON ang isang ma hirap sa mga Saudi na para bang sila ay laging nagdududa sa kapwa. Kahit na mabait at edukado si Sir ay nararamdaman kong tila mayroon siyang hinala kung saan ako nagpunta. Naisip ko rin naman na baka iyon ay suspetsa ko lamang dahil guilty ako — nagsinungaling sa kanya. Gayunman, wala namang ibang sinabi sa akin si Sir. Siguro rin ng mga oras na iyon ay wala siya sa mood. Baka tinarayan ng buntis kong among babae. O wala siya sa mood dahil, “kulang” siya “roon”. Kapag buntis ang babae siyempre, hindi siya “magagalaw” ng asawa. Siguro nga ay ganoon. Aywan ko.
Malayo pa ang Bi yernes, pero pinroblema ko na kung paano ako makaka-attend ng prayer meeting sa may Shoula. Payagan kaya uli ako ni Sir? Baka makahalata na siya kung bakit parating Biyernes ako nagpupunta sa Batha. Naalala ko ang mga sinabi nina Sister Cynth at Bro. Ben na kailangang doble ang pag-iingat ko sapagkat mainit sa mata ng awtoridad ang pagtitipong may kinalaman sa relihiyon. Kapag natimbog, pare-pareho kaming makukulong, at baka mauwi sa pugot-ulo. Kinilabutan ako.
Ganoon man, sinubukan ko uling magpaalam kay Sir. Wala namang masama kung magsasabi ako. Ganoon na lamang kasi ang pagnanais kong makadalo. “Uhaw na uhaw” talaga ako sa mga salita ng Diyos at nakaka-inspired ang mga testimonya ng mga dumadalo sa pagtitipong iyon. Hindi ko maipaliwanag ang nadarama sa pagnanais na muling makadalo. At inaamin kong nawala na nga ang mga sakit, hirap, kirot ng kaloobang nadama sa ginawa ng hayop na si Pol.
Nilapitan ko si Sir habang nakaupo naman sa sopa. Walang gatol akong nagsabi. Pero hindi ko pa natatapos ang pagsasabi ko, nabara na agad ako.
Isang matigas na “La!” ang isinagot niya. Lupaypay ako.
Pero may malaking dahilan naman pala kaya mabilis ang pagtutol niya. May darating daw na bisita. Mga kapatid ni Madam na galing sa Abha. Umaga ng Biyernes daw ang dating.
Patay na ako sa dami ng trabaho!
Agad kong kinontak ng araw na iyon si Sister Cynth. Sinabi kong hindi ako makakadalo dahil may bisita kaming darating.
“Sayang! Marami pa namang dadalo bukas,” sabi ni Sister Cynth. “Maraming magsasalaysay ng kanilang kasaysayan na makakainspirado at makapagpapalakas ng paniniwala kay Lord.”
“Nanghihinayang po talaga ako Sister. Kaya lang wala akong magawa.”
“Sige. Basta sa susunod na Biyernes ay dapat narito ka. Ipagdarasal ka namin, Ellang.”
“Salamat, Sister Cynth.”
Kinabukasan nga ay dumating ang mga bisita galing Abha. Tatlong kapatid ni Madam, dalawang babae at isang lala- ki. Ang lalaki ay si Rashid na sa tantiya ko ay mga 17-anyos.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending