(Kasaysayan ni M.R.A. ng Riyadh, KSA)
HINDI ko alam ang mga gagawin para ganap na malimot ang ginawa sa akin ni Pol. Ang laki kong tanga! Wala naman akong ibang masisisi kundi ang sarili ko na rin. Masyado akong nahumaling kaagad. Madali akong maniwala sa pambobola ng lalaki.
Sabagay, paano ko ba malalamang manloloko ang lalaki e wala naman sa hitsura ng hayop na si Pol na ganoon ang gagawin sa akin. Tatanga-tanga pa nga kung minsan at matatakutin. Para siyang hindi makabasag ng itlog. Walang kahala-halata na manloloko. Ang masaklap nga ay napagsawaan pa ako ng hayop. Kung anu-anong kahalayan o kalaswaan ang ginawa sa akin.
Sa tindi ng nadarama kong galit sa ha-yop na si Pol ay naisip kong ano kaya at magresign na akong DH at hanapin na lamang siya sa Pilipinas at saka gantihan. Natatandaan ko, na taga-Batangas daw siya. Pero ang laki ng Batangas. At kung makita ko naman, ano ang gagawin kong ganti. Saksakin, barilin o lasunin. Ewan ko. Mahirap yatang gawin dahil bubuwit ay hindi ko kayang patayin.
Hindi kaya lalo lamang lumaki ang problema ko.
Ang isang naipagpasalamat ko ay hindi ako nabuntis na kagaya ni Nizzang Indonesian na nag-aala-lang nalagyan siya ng semilya ng hayop na si Pol. Mabuti at nag-ingat ako.
Mahirap isipin ang lahat. Sana nga ay kung maibabalik ang lahat. Kasalanan ko rin talaga ang lahat kaya nangyari ito.
At kapag hindi ko na nga kaya ang isipin, may pagkakataon na umiiyak ako kapag nasa kuwarto na ako. Gusto ko ngang sumigaw para at least ay mawala ang itinatago kong galit at kabiguan sa dibdib. Pero nag-aalala ako na marinig ni Sir at Madam. Baka mapaghinalaan pa akong nasisiraan ng ulo. Mahirap nang mapaghinalaang may topak at baka mapa-uwi pa ako sa Pinas. Kasi nga’y hindi maaalis-alis sa isipan ko ang mga ginawa ng hayop na si Pol.
Imagine naman na ang naipon ko ay napunta lamang lahat sa kanya. Nagsinungaling pa ako kay Sir para lamang makahiram ng pera. Iyon pala’y ginagastos lamang sa sugal o malay ko pa kung “nanlalalaki” pa siya.
May pagkakataon pa nga na kinakausap ko ang aking sarili habang naghuhugas ako ng pinggan at tiyempo namang lumabas si Sir at narinig niya ang pagsasalita ko kahit walang kausap.
Tumingin nang seryoso si Sir sa akin. Matagal din bago nagtanong.
“Muskila, Ellang?”
Nagulat ako.
“Mafi! Mafi muskila, moder.” (Itutuloy)