Ellang (ika-62 na labas)
(Kasaysayan ni M.R.A. ng Riyadh, ng KSA)
INA howa, Pol?” (Nariyan ba si Pol?)
Tanong ko sa Indonesian na ang pangalan ay Nizza. Alam kong hindi marunong magsalita ng Ingles ang karamihan sa mga maid na Indonesian kaya kahit na carabao Arabic ay tinanong ko kung nasaan si Pol.
Nakangiti namang sumagot sa akin si Nizza. Aywan ko kung ano ang kahulugan ng pagngiti niya. Siguro’y dahil sa ako na ang lumapit at hindi na katulad sa nakaraan na tinakasan ko siya.
“La! Enahu kari mawjud!” (Wala siya rito!)
Hindi ko agad maintindihan pero sa senyas ng kamay at kilos ng kilay ay nalaman kong wala si Pol.
“Aina zabaha, Pol?” (Saan siya nagpunta?)
Gimbal ako sa sinagot ni Nizza kung nasaan si Pol. Nasa Pilipinas na raw.
Hindi ako nakapagsalita o nakapagtanong muli kay Nizza dahil sa pagkabigla.
Nang tanungin ko kung kailan pa umalis ay sinabing kahapon pa ng gabi.
Gusto kong umiyak. Hindi ko matanggap ang lahat. Gusto kong isipin na nagbibiro lamang si Nizza dahil nakangiti pa siya nang sabihin sa akin na wala na raw si Pol.
Ganoon pa man, naitanong ko pa rin kung kailan babalik. At ang sagot ni Nizza ay hindi na babalik.
Gusto ko nang humagulgol. Pagkatapos akong pagsawaan at maubos ang savings ay iniwan akong parang kuting.
Nagpaalam ako kay Nizza dahil nahalata kong marami pa siyang gagawin. Pero bago ako nakaalis ay nasabi ko na gusto ko siyang maging kaibigan at marami pa akong gustong malaman kay Pol.
“Mafi muskila. Ma esmok.” (No problem. Ano ang pangalan mo?”
“Ellang.”
“Mafi muskila Ellang.”
“Shokran jazilan, Nizza.”
Umalis na ako. Laglag ang balikat na nagtungo sa bahay at nagkulong ako sa kuwarto.
Nang dumating sina Sir kinahapunan ay pilit kong inayos ang sarili at baka mahalata ang aking kalungkutan. Kapag nahalata ni Sir na malungkot ako at may problema ay baka pilitin akong tanungin. Mula kasi nang mangutang ako sa kanya ng pera ay tila ba naging malaki na ang concern niya sa akin. Aywan ko.
Kinabukasan ng tanghali ay inabangan ko na naman si Nizza para madagdagan ang nalalaman ko sa biglang pag-alis ng tarantado at walanghiyang si Pol.
Natiyempuhan ko naman si Nizza at sa paputul-putol kong Arabic ay nakapagtanong ako sa kanya.
Nalaman ko na pinaalis si Pol ng amo dahil nahuling nakikipagtalik daw sa binatilyong anak. Bakit hindi ito pinakulong? Kasi raw ay ang binatilyo ang pumilit kay Pol.
Ang kasunod ay ang ipinagtapat ni Nizza na pati siya ay napagsamantalahan ni Pol.
Lumalalim ang istorya ng walanghiya at tarantadong si Pol!
(Itutuloy)
- Latest
- Trending