(Kasaysayan ni M.R.A. ng Riyadh, KSA)
PINAGTIMPLA ko ng tsay si Sir gaya ng ginagawa ko na dati. Siyempre, kailangang magpakita ako ng pagsipsip para madali akong makahingi ng pabor.
Matapos kong ilagay ang baso ng tsay sa mesitang nasa harap niya ay sinabi ko na ang aking pakay. Nilakasan ko ang aking loob. Hihiram uli ako ng khamsa me-ah (500 riyals). Kailangan ng ina kong maysakit.
Tumingin muna sa akin si Sir. Malamlam ang mga mata na parang inaantok. Hindi naman ako humihinga.
“Mafi muskila, Ellang,” sabi at dinukot sa bulsa ng kanyang sutana ang pitaka at kumuha ng khamsa me-ah o 500 riyals. Iniabot sa akin. Tinanong pa ako kung tama na ang khamsa me-ah. Sagot ko’y okey na iyon. Wala na raw ba akong problema. Sabi ko’y wala na.
“Shokran, moder.”
Nang tatalikod na ako ay sinabi na wala akong babanggitin kay Madam tungkol doon. Baka raw magalit si Madam.
“Aiwa, Moder.”
Saka kinindatan ako. Tuwang-tuwa akong umalis. Mabait talaga si Sir. Kung ang lahat ng amo ay ganito kabait, baka marami pang Pinay ang mag-DH. O siguro’y mabait lang sa akin si Sir dahil mahusay akong maid. O baka naman may pagnanasa sa akin. Mayroon daw ganoong amo, mabait na mabait pero may binabalak palang masama. Kay Sir, wala naman akong nahahalata sa kanya na may masamang tangka. Yung pakindat-kindat niya ay talagang nakasanayan na sa akin. Edukado si Sir at hindi ako magagawang lapastanganin.
Pero kung ano naman ang kasiyahan ko dahil nakautang ako, ang kasunod pala ay lungkot na. Ang dahilan ay hindi na nagpakita sa akin si Pol. Kaya ang 500 riyals na hiniram ko kay Sir ay nawalan ng saysay. Kinapalan ko pa naman ang mukha ko, iyon pala ay hindi na ako sisiputin ni Pol.
Hindi na ako mapakali nang tatlong araw na ang lumipas ay walang Pol na tumatawag sa phone o kaya’y kumakatok sa aming gate. Sari-sari ang aking naisip na dahilan. Baka ipinagsama ng amo niya kung saang lugar o baka hiniram ng kapatid ng amo. Marami ang ganoong pangyayari na ang maid o ang driver ay ipinahihiram sa kapatid ng amo. Walang magawa ang Pinay maid o Pinoy driver kundi ang sumunod. Kaysa naman makatikim ng murang Arabo.
Naisip ko rin naman na baka kaya biglaang umuwi sa Pinas si Pol at hindi na nakapagpaalam sa akin.
Hindi na ako makatiis ng apat na araw nang hindi ko nakikita si Pol. Inabangan ko sa may gate. Bahala na kung makita ako at awayin ni Nizza —ang maid na Indonesian.
Tumambay ako sa may gate ng 30 minuto siguro pero wala akong makitang Pol. Hindi ko rin naman nakita ang maid na si Nizza.
Ikalimang araw ay wala pa ring Pol na dumating. Hindi na ako mapakali. Kinakabahan na ako. Tumambay muli ako sa may gate at sa pagkakataong iyon ay nakita ko si Nizza.
Lumapit ako sa kanya. Wala na ang takot ko. Nakangiti naman sa akin si Nizza. Ano kayang ibig sabihin ng pagngiti niya?
Hindi na ako nagpaliguy-ligoy sa pagtatanong kung na saan si Pol. At shock ako sa sinabi ni Nizza. Parang hindi ko kayang tanggapin.