(Kasaysayan ni M.R.A. ng Riyadh, KSA)
HABANG may ginagawa ako ng araw na iyon ay iniisip ko kung paano magsasabi sa aking mga amo para makautang ng isang libong riyals. Sasabihin kong kailangang-kailangan ng aking ina sa Pinas dahil maysakit. Siguro naman ay mauunawaan nila ako. Mababait naman ang mga amo ko.
Pero naisip ko na kay Sir na lamang magsabi ng tungkol sa aking uutanging sanlibong riyals. Baka matiyempuhan kong mainit ang ulo ni Madam ay mabulilyaso pa. Mahirap ngayong manimbang kay Madam dahil nagbubuntis. Maselang magbuntis at tiyak na bugnutin.
Kay Sir na lamang ako magsasabi tungkol sa uutangin ko.
Pero mahirap humanap ng tiyempo. Laging nasa kuwarto si Sir at nakabantay yata kay Madam. Ni hindi nagpapatimpla ng tsay (tea). Siguro ay ayaw paalisin sa tabi ni Madam. Laging naglalambing siguro.
Kinabukasan ako nakakuha ng tiyempo. Nag-iisa si Sir sa salas at nagbabasa ng diyaryo. Kahit na hindi ako inuutusang magtimpla ng tsay ay nagtimpla ako at dinala sa kanya.
Nagulat si Sir nang makita ang dala kong tsay. Pero pagkatapos ay napangiti.
Sinimulan ko na ang drama. Pinalungkot ko ang mukha na tila may mabi- gat na problema. At mabilis na nakita iyon ni Sir.
“Muskila Ellang?”
Tumango ako.
“Qul li.” (Sabihin mo sa akin.)
Iyon na ang pagkakataon ko kaya hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa. Sinabi kong uutang ako ng isang libong riyals. Ipadadala ko sa Pinas da-hil emergency lang. May sakit ang aking ina.
“Alf riyals?”
“Aiwa.”
Nag-isip si Sir. Parang hindi mapagpasyahan ang aking hinihiling.
Umuusal naman ako ng dasal na sana ay pumayag siya at huwag nang sabihin kay Madam.
Dinagdagan ko pa ang drama. Sabi ko’y baka may masamang mangyari sa ina ko kung hindi agad madadala sa ospital. Ganoon na ako kadesperado maiutang lamang ang mahal kong si Pol. Gagawin ko ang lahat.
“Anajdah, Moder!” sabi ko na ang ibig sabihin ay “Tulungan mo ako!”
At hindi ako nabigo. Pumayag si Sir. Pero may hiniling sa akin.
(Itutuloy)