^

True Confessions

Ellang (ika-44 na labas)

- Ronnie M. Halos -

(Kasaysayan ni M.R.A. ng Riyadh, KSA)

NAANGKIN na ako ni Pol at wala nang ma­ipagmamalaki pa sa kanya. Hindi naman ako nagsisisi dahil mahal ko rin naman siya. Kahit na nga ba hindi ko pa kabisado ang background ng buhay niya ay ipinag­ka­loob ko na ang katawan ko. Bahala na.

Hindi naman siguro ako lolokohin ni Pol. Nani­niwala rin ako na wala siyang asawa. Ang ipinagtataka ko lamang, hindi yata totoo ang sinasabi niyang “silahis” siya. Kasi’y napaka­tinding magmahal. At parang ekspertung-eks­perto na. Baka naman tala­gang may lalaking ma­galing magtago ng pagkatao. At siguro kaya ganoon si Pol ay dahil na rin sa ma­tinding panggigigil sa akin. Isang beses nga na­mang nabitin ang aming pagtatalik. Tiniyak niya kanina na matutuloy ang aming pagmamaha­lan at nangyari nga.

Hindi ko maipaliwanag ang nadamang kaligaya­han ng araw na iyon. At iisa ang dahilan kung bakit ganoon ang nada­rama ko — dahil sa ipi­nalasap sa akin ni Pol. Kailan kaya ma­uulit ang ginawa na­min? Sabi niya ay  ta­tawag siya sa akin. Na­kalimutan ko namang kunin ang number ng phone niya. Nagmama­dali kasi kanina.

Alas-tres na nang du­mating ang aking mga amo. Medyo nakasima­ngot si Madam nang du­mating. Hirap na hirap nga sa pagbubuntis. Wa­lang imikan ang dalawa nang dumating.

Nagkulong ang mag-asawa sa kuwarto nila. Ang anak na si Abdulatif ay kinuha ni Sir maka­lipas ang limang minuto. Dinala rin ang anak sa kuwarto.

Ako naman ay nagdilig ng halaman sa bakuran. Dalawang araw ko nang hindi nadidilig ang mga halaman dahil maraming tambak na labahin.

Nang tingnan ko ang mga halaman ay nanu­nuyo na ang ilan. Ka­bilang sa nanunuyo ay ang mga namumulaklak naming rosas. Ang mga rosas daw na iyon ay galing pang Egypt. Mala­laki ang talulot ng rosas at napakabango.

Napagmasdan ko na­man ang Eucalyptus tree. Malaki na ang ka­tawan ng puno. Ang mga sanga ng Eucalyptus ay paboritong pagpugaran ng mga tarat.

Kanina, naalala ko ay dito na lamang gustong idaos namin ni Pol ang “ritwal”. Ang balak siguro ay pasandalin na lamang ako sa punong Euca­lyptus. May pagkapilyo rin ang “silahis” na si Pol. Siguro’y may phobia na siyang pumasok sa ba­hay kaya dito na lamang sa bakuran gustong idaos ang “init” ng katawan.

Dumako ako sa may gate at sumilip sa siwang. Nakita ko ang dalawang Indonesian maid na nasa harap ng gate. Bukas ang gate pero wala akong masilip na sasakyan sa loob. Baka umalis si Pol. Sinundo marahil ang amo.

Nag-uusap ang da­la­wang maid. Saka ay susulyap sa direk­siyon ng aming gate. Hindi naman nila ako nakikita dahil maliit lang ang siwang sa gate.

Sa pakiwari ko, ako ang pinag-uusapan ng dalawang Indonesian.

Hanggang sa ma­kita ko na lumapit ang isang Indonesian sa aming gate. Ang Indo­nesian na lumapit ay ang tinakasan ko ha­bang bumibili ng kabsa sa isang suk ilang araw na ang nakalilipas.

Ano kaya ang balak ng Indonesian at pa­tungo sa direksiyon namin? Kinabahan ako at hindi malaman kung aalis sa may gate. Parang nanigas ang mga paa ko.

(Itutuloy)

AKO

ANG INDO

GATE

POL

SHY

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with