(Kasaysayan ni Cindy ng Pasay City)
PERO nahihiya man sa mga kapitbahay at kakilala sa aming probinsiya dahil sa hindi ko pagkatuloy sa United States, walang nagawa si Nanay kundi umuwi at harapin ang katotohanan. Hindi ko sila maaaring patirahin sa maliit na kuwartong inuupahan ko. Ang perang natitira sa akin ay kasyahan na lamang para sa isang buwan ko. Hindi ko alam kung saan ako kukuha ng kasunod.
“Paano ka rito, Cindy?” tanong ni Nanay ng umagang paalis na sila nina Patsy at Cholo patungong probinsiya.
“Bahala na Nanay. Maghahanap ako ng trabaho…”
“Kung sumama ka na lang sa amin at doon ka na lang muna…”
“Mas lalong wala akong mararating sa probinsiya, Nanay.”
“Mas lalong magugutom ka rito. Doon sa probinsiya kahit paano may tutulong…”
“Dito na muna ako sa Pasay Nanay. Kapag may maganda nang balita ay tatawagan ko kayo ni Patsy sa cell phone.”
Umalis na sina Nanay.
Nag-umpisa ako sa paghahanap ng trabaho. At malaking problema ang kawalan ng mataas na pinag-aralan. Ang high school graduate na katulad ko ay mahirap makakuha ng trabaho. Kasabay ko sa pag-aaplay ay may natapos na degree.
Minsan, gusto ko nang mag-aplay na GRO sa isang KTV. Maganda pa rin naman ako at hindi pa katandaan. Pero hindi ko iyon ginawa. Maaaring maputikan ako kapag nalinya sa ganoong trabaho. Malapit sa tukso kapag nagtrabaho sa mga panggabing establisimento.
Hanggang sa isang department store sa Recto Avenue ang tumanggap sa akin bilang saleslady. Maliit lamang ang suweldo pero pinagtiyagaan ko na. Kailangan kong kumita para sa aking sarili. Mamamatay ako sa gutom kapag hindi pa kumita sa mga susunod na araw. Bahala na. Siguro naman ay may darating pa sa akin na mas magandang biyaya. Hindi ako nasisiraan ng loob na sa kinabukasan ay matutupad din ang pangarap kong makarating sa United States.
Kapag day-off ko ay wala akong tigil sa pagbabasa ng mga diyaryo na mayroong penpal corner. Naghahanap ng Amerikanong magiging “kaibigan”. Hanggang sa matuto akong makipag-chat sa internet. May mga nakilala ako pero wala yatang ka-duplicate si Melvin. Pawang mga kasing-edad ko ang aking nakikilala. Mas gusto ko ang mas matanda sapagkat seryoso na sa buhay.
Hanggang isang araw, tumawag sa aking cell phone ang kaibigang lalaki ni Melvin. Siya ‘yung nagbalita noon ng mga nangyari kay Melvin at nagsabing lungkot na lungkot sa nangyari sa kaibigan.
(Tatapusin)