Warat na sapatos ni Cinderella (ika-83 na labas)

(Kasaysayan ni CIndy ng Pasay City)

PALIBHASA’Y kilala ko na agad si Melvin Underwood dahil sa marami niyang picture na ipinadala, nagmamadali akong sumalubong sa kanya nang makitang palabas na ito sa arrival area. Karga ko si Cholo sapagkat natutulog. HindI ko na naramdaman ang bigat ni Cholo sa pagkakataong iyon. Kailangang makita agad ako ni Melvin at baka mainip e kung saan-saan magpunta. Attaché case at isang itim na travelling bag ang dala niya.

Nakisiksik ako sa mga taong nakakalat pagkalabas ng arrival area. Kanya-kanya ay may sinasalubong at tila nawala na ang disiplina sa lugar na iyon. Napakaraming lumalabas. Nagkasabay-sabay marahil ang mga pasahero ng eroplano.

"Melvin! Melvin! Here Melvin" tawag ko para maagaw ang kanyang pansin. Lakad-takbo na ang ginawa ko.

Luminga-linga si Melvin at pilit na hinahanap ang pinanggalingan ng tawag. Nakabaling ang tingin niya sa kaliwa. Nasa kanang bahagi ako.

"Melvin! Here! Here!"

Nakita na niya ako. Lumapit na sa akin. Habang naglalakad palapit ay may dinukot sa bulsa. Retrato. Tiningnan ang retrato at saka muling tumingin sa akin. Nakita ko ang maluwang na pagkakangiti. Siguro’y nakumpirma na ako nga ang kapen-pal niya base sa retrato. Ha-ha-ha. Talagang hindi maloloko ang mga Kano. May paraan sila.

"Hey Cindy! Glad to meet you," sabi niya nang makalapit at sabay yakap sa akin. Mainit ang yakap.

"Me too," sabi ko naman. Naks nakapag-Ingles ako. Baka mamaya ay English carabao na ang ibabanat ko.

"You’re beautiful in the pic, huh!"

Ano raw. A, mas maganda raw ako sa picture.

"How are you Cindy?" at pinutol ang pagtatanong nang makita ang karga kong si Cholo. "I guess he is Cholow…"

"Yes."

"Ow, sleepy boy."

At sa pagtataka ko ay ibinaba ang bitbit na attaché case at travelling bag at kinuha sa akin si Cholo. Medyo pumalag si Cholo.

"Come on, Cholow. I’m here.."

Hindi ko mailarawan ang kaligayahang nadarama sa pagkakataong iyon. Mukhang magkakasundo kami ni Melvin Underwood. Mukhang siya na nga ang mag-aalis sa akin sa Pilipinas.

Pero pagkatapos ng isiping iyon, inisip ko rin naman ang mangyayari pagdating namin sa bahay. Paano si Jomar kapag magkatabi na kami ni Melvin? Bahala na si Batman.

(Itutuloy)

Show comments