Warat na sapatos ni Cinderella (78)

(Kasaysayan ni Cindy ng Pasay City)

ILANG sulat pa ang natanggap ko sa aking ka-penpal na si Melvin Underwood at kinumpirma ni-yang December ang kanyang pagdating. Tiyak na tiyak na raw. Sa wakas daw ay magkikita na kami. Hindi ko naman malaman kung bakit simula nang ibalita ni Melvin na malapit na ang kanyang pagdating ay lagi akong inaatake ng takot. Hindi ko maintindihan ang sarili kung bakit kinakabahan ako.

Ang pagdating ni Melvin ay hindi ko agad sinabi kay Jomar. Hindi ko kasi malaman kung paano ko uumpisahang sabihin sa kanya na darating na ang ka-pen pal ko. Wala pa akong lakas ng loob. Sabagay matagal pa naman — halos anim na buwan pa bago dumating si Melvin. Marami pang mangyayari. Maaaring magbago pa ng pasya si Kano.

Patuloy din naman si Melvin sa pagpapadala ng pera. Talagang pinangatawanan na niya ang pagpapadala na perang itinuring na asawa na niya ako. Talagang asawa na niya ako. Madalas itanong si Cholo. Malaki na raw ba ang aking anak. Patuloy pa raw ba ako sa pagtatrabaho. Sinabi ko sa kanya minsan na nagtatrabaho ako para masuportahan ang aking anak. Pinanindigan ko na ang pagsisinungaling. Hindi ko na mababawi pa ang unang nasabi. Bahala na sa mga susunod pa. Bahala nang kumatha ng panibagong kasinungalingan.

Kinunan ng picture si Cholo ng araw na iyon. Pati ang kabuuan ng bahay ay kinunan ko.

Nakita ni Jomar ang ginagawa ko at pinansin niya. Saan ko raw gagamitin iyon at kinukunan ko ng picture si Cholo at ang loob ng bahay.

"Ipadadala ko kay Melvin Underwood," ganoon lang ang pagkakasabi ko. Walang inis o galit.

"Bakit?"

"Gustong makita ang bata."

Hindi na nagsalita pa si Jomar. Nanahimik na lamang. Talagang hindi na siya nakikialam anuman ang gawin ko. Bahala na raw ako, sabi niya noon. Hindi na siya kikibo o magsasalita.

Noon ko ipinasya na sabihin ang nalalapit na pagdating ni Melvin Underwood. Sure na sure na ang pagdating niya.

Biglang tumali-kod si Jomar. Parang nasaktan sa sinabi ko.

(Itutuloy)

Show comments