MABIGAT pa rin ang dugo ni Nanay kay Jomar. Kahit na nakaaawa na ang itsura ng asawa ko dahil sa sakit, e wala pa ring tigil sa pagpaparinig dito si Nanay. Ako naman ay nakadarama ng awa kay Jomar. Maski na pagsabihan ko si Nanay ay hindi pa rin mapigilan sa kanyang pagtatalak at pagpaparinig.
"Kasi naaawa ako sa’yo Cindy," sabi ni Nanay nang makapasok si Jomar sa kuwarto. "Ikaw itong nagtatrabaho at palamunin ang asawa mo. Ano ba ang nangyayaring ito. Kasi’y maaga kang lumandi."
Ganoon na naman ang narinig ko. Walang ipinagbago si Nanay.
"Nanay tama na at nasabi mo na yan noon."
"Mahal kita Cindy kaya hindi ko magawang tumigil sa pagsasalita. Ngayon ay mas kawawa ka pa pala."
"Hindi na nanay dahil matutupad na nga ang pangarap ko. Hindi na gaanong hirap ang mararanasan ko sapagkat malakas nga ang kutob ko na matutuloy na si Melvin sa pagpunta rito."
"Harinawa nga, Cindy. Gusto ko mabago na ang buhay mo."
"Malapit na Nanay. Kaya nga ang pakiusap ko e huwag na kayong magtatalak kay Jomar."
Natahimik si Nanay. Parang tumatak sa isipan ang sinabi ko.
"Ang inalala ko e saan mo nga patitirahin si Kano."
"Bahala na Nanay. Kung dito ang gusto niya, bahala siya."
"Paano nga si Jomar?"
"Ako na ang bahala diyan, Nanay."
"Paano ang apo ko?"
"Okey naman siya Nanay."
"Inaalala ko, baka mahawa siya ng sakit ni Jomar."
"Regular naman ang gamot ni Jomar Nanay."
"Kung dalhin ko kaya muna si Cholo sa probinsiya. Kapag magaling na ang asawa mo saka ko ibalik dito."
"Huwag na Nanay. Mahirap kapag napalayo sa akin si Cholo. Siya lamang ang kaligayahan ko."
Mahigit dalawang linggo sa amin sina Nanay at Patsy. Sabi ay babalik kapag may linaw na ang pagdating ni Melvin Underwood.
Patuloy din naman si Melvin sa pagpapadala ng pera sa akin. Idinideposito ko sa banko ang karamihan sa padala niya. Inaalala ko, baka hanapin niya sa akin iyon. Mabuti na ang may maipakikita akong bank book.
Mula sa perang padala ay nakabili na kami ng mga appliances  TV, ref, aircon at iba pa. Medyo maayos na ang bahay at puwede nang tirahan kahit ng Kano. At palagay ko naman hindi maiilang si Kano sa pagdating niya.
(Itutuloy)