"HUWAG kang umalis, Cindy. Wala akong magiging katulong dito sa damitan. Ako na ang bahala kay Marlon. Hindi na mauulit iyon," pakiusap ni Ate Pacita.
Pero buo na ang pasya ko. Ayaw ko na. Tama na ang mga naranasan ko rito.
"Hindi na mauulit ang nangyari, Cindy."
"Ate Pacita talaga pong ayaw ko na. Baka sa susunod pong mag-trip si Marlon ay hindi lamang ganoon ang gawin sa akin. Baka tuluyan na niya akong gahasain."
"Putang ina kasi itong anak kong ito. Maagang natutong mag-shabu kaya ayun at nakulta na ang utak."
"Parang demonyo kanina Ate Pacita. Habang isinubsob ang mukha ko sa "ano" niya ay hindi ako makagalaw dahil sa lakas."
Napabuntunghininga si Ate Pacita.
"Dapat ko na nga sigurong ipa-rehab si Marlon. Baka kung ano pa ang gawin."
"Siguro nga po ay dapat i-rehab na. Kasi parang wala nang laman ang ulo niya. Nakatingin sa kawalan."
"Sayang ang anak kong ‘yan. Matalino pa naman noong nasa elementary. Noong mag-high school ay nabarkada kaya natutong mag-shabu. Siguro’y dahil nalilito na sa pagsasama namin ng kanyang ama. Tapos nga e nagkarelasyon ako kay Mario na isa rin palang sira ang ulo."
Napatangu-tango ako.
"E sige kung hindi kita mapipigil e wala na akong magagawa. Cindy. Pero kung gusto mong bumalik dito pumunta ka lang ha?"
"Opo Ate Pacita."
Bago ako umalis ng hapong iyon ay ibinigay ni Ate Pacita ang suweldo ko. Bukod doon ay binigyan pa ako ng P5,000. Gulat na gulat ako.
"Bakit po ang laki, Ate?"
"Pabaon ko sa iyo ‘yan at sana ay makatulong sa pangangailangan mo. Di ba sabi mo’y hindi pa kayo nakababayad ng bahay?"
Tumango ako.
"Pagpasensiyahan mo na ‘yan, Cindy. At sorry sa mga nagawa ng anak ko at ng maniac na si Mario."
"Salamat po, Ate."
Bago ako umuwi ay dumaan ako sa panciteria ng Intsik at nagpaluto ng pansit bihon. Bumili ako ng pandesal at saka nagtungo sa botika para bumili ng gamot ni Jomar at gatas ni Cholo. Marami pang natira sa perang bigay ni Ate Pacita.
Nang dumating ako sa bahay ay nakaabang na si Jomar. Karga si Cholo. Gising. Nang makita ako ni Cholo ay nagkakawag at gustong magpakalong. Inilapag ko sa mesa ang mga pinamili ko at kinalong si Cholo. Walang kaimik-imik si Jomar.
Hanggang sa mapansin ko ang sulat na nakapatong sa silya. Galing sa Tate.
(Itutuloy)