"NAGSISIKAP naman ako para mabigyan ka ng magandang buhay. Kaya nga ako nagpilit magtungo rito sa Maynila," sabi ni Jomar at pinisil-pisil ang palad ko.
"E bakit ngayon wala pa rin akong makitang asenso?"
"Kaunting tiis pa, Cindy."
"Matagal ko nang ginagawa ang tiis na iyan."
"Kapag hindi pa ibinigay ang increase namin ay maghaha-nap ako ng ibang papasukan."
"Gawin mo na agad."
"Tumitiyempo pa ako. Nahihiya rin kasi ako sa ninong ko na nagpasok sa akin sa restaurant."
"Huwag ka nang maghintay nang matagal. Marami namang magandang papasukan. Lalo pa at may ekperyensiya ka na."
Makalipas ang isang buwan ay nagresign si Jomar sa restaurant na pinapasukan at naghanap ng iba. Pero nahirapang makahanap. Tumagal ng isang buwan bago nakakita ng panibagong restaurant na papasukan.
"Umalis ka sa pangit e mas pangit pa ang napuntahan mo," sabi kong may inis.
"E wala na talaga akong makita. Magugutom tayo kapag hindi pa ako nagkatrabaho."
Napabuntunghini-nga ako. Sabagay ako rin naman ang nagpressure sa kanya para magresign na.
"Pero di bale at pansamantala lamang ito. Hahanap uli ako."
Pero hindi na nangyari iyon dahil nagkasakit si Jomar. Humina ang baga. Namayat. Kailangan ang matagal na gamutan. Hanggang sa hindi na makayang magtrabaho. Gusto ko nang masiraan ng ulo.
Sinubukan kong maghanap ng trabaho. Natanggap akong tindera sa isang damitan sa palengke. Kahit kapiranggot ang kita, tinanggap ko. Wala nang ibang maaasahan.
(Itutuloy)