HINDI ko naitago ang galit kay Jomar. Sa harap ni Manang ay minura ko siya.
"Apat na oras kami ritong napanis. Na buyangyang pa ang suso ko sa pagpapasuso ko kay Cholo. Ano bang nangyari sa’yo?"
"Maraming trabaho sa restaurant. Hindi agad ako nakaalis."
"Napakahina mong lalaki. Sana sinabi mong susunduin mo lamang ang asawa at anak mo at babalik ka agad."
Hindi nakasagot. Kakamut-kamot sa ulo. Pero ang isang napansin ko kay Jomar ay naging makinis at nagmukhang mas guwapo kaysa noong nasa probinsiya pa. Siguro’y dahil nga sa iba’t ibang tao ang nakakasalamuha sa restaurant. Kailangang mapostura.
"Gutom na gutom na ako. Mabuti na lamang at mabait si Manang. Ni singko wala ako sa bulsa dahil naubos sa pamasahe," sabi kong galit na galit pa rin. "Bayaran mo nakain kong hopia at nainom na Pop Cola kay Manang!"
Dumukot ng pera si Jomar at binayaran si Manang. Si Manang ay nakatingin lamang sa akin. Siguro ay nagulat dahil sa pagratrat ko kay Jomar.
"Saan mo kami dadalhin ngayon?" tanong ko at sinipa palapit kay Jomar ang travelling bag.
"Sa Pasay tayo. Mayroon akong nakuhang kuwarto roon. Pansamantala e doon muna tayo…"
Nakahinga ako nang maluwag. Kahit naman pala "mahinang klase" e may nakahanda kaming tutulugang bahay.
"Tayo na! Binitbit niya ang travelling bag.
Nagpasalamat ako kay Manang. Niyakap ko pa.
"Kapag sinuwerte ako Manang babalikan kita," sabi ko at umalis na kami.
Sumakay kami ng dyipni na biyaheng Baclaran.
(Itutuloy)