MAHINANG klaseng lalaki si Jomar. May itsura nga pero walang alam kundi ang Sexology. At kung maiaatras lamang ang panahon, gagawin ko. Pero kabaliwan nang pag-aksayahan ko ng panahon na isipin iyon. Kahit na isipin ko nang isipin ang lahat kung bakit bumigay agad ako kay Jomar, wala nang mangyayari. Huli na sapagkat may punla na sa sinapupunan ko. Ang sandali naming pagkalimot ay panghabambuhay nang tataglayin. Hindi na mababago ang mga nangyari.
Pero maaari kong baguhin ang mga darating pa sa aming buhay. Maaari pa akong makapunta sa States at magkaroon nang maraming pera. Mabibili ko ang lahat. Maipagpapagawa ko ng bahay ang aking ina na sawang-sawa na sa hirap ng buhay. O maaari ko silang madala sa States. Hindi imposible. Kung ang kababayan kong babae na walang kaganda-ganda at kahali-halina ay nagawang mapaganda ang buhay, ako pa na may itsura rin naman. Ilan na ring kababayan ko ang nakapenpal ng Kano at pawang gumanda ang buhay. Pabalik-balik na lang sila rito.
Nakakuha ng trabaho si Jomar tagabuhat ng gulay at kung anu-ano pa sa palengke. Pero makalipas ang isang linggo ay hindi na pumasok. Maghahanap daw ng iba dahil hindi makasundo ang mga kasamahan.
Lalo nang nagparinig si Nanay sa kanya.
"Bilisan mo ang pagsulat sa Kano, Cindy. Baka mamatay na ako e hindi man lang ako makaranas ng ginhawa."
"Opo, Nanay. Ihuhulog ko na nga ang sulat ko bukas."
(Itutuloy)