Warat na sapatos ni Cinderella (ika-8 na labas)

(Kasaysayan ni Cindy ng Pasay City)

"KAHIT na maliit itong bahay namin, magkakasya sila rito," sabi pa ni Nanay. "Kakain din naman sila rito. Kung ano ang kakainin ko ganun din ang kanilang kakainin."

"Pero puwede rin po silang tumira sa amin," sagot naman ng nanay ni Jomar. Siguro ay nasaktan dahil sa pagtatakda ni Nanay tungkol sa aming dalawa ni Jomar.

"Huwag na kayong mamroblema at dito na sila titira. Tatlo lang kami rito. Kapag sa inyo pa sila tumira, para kaming ulilang kambingi dito."

Hindi na sumagot ang nanay ni Jomar. Siguro ay naisip na hindi naman siya mananalo sa nanay ko.

Makalipas pa ang 15 minuto ay nagpaalam na ang nanay at tiyahin ni Jomar. Si Jomar ay balisa. Parang natatakot at maiiwan na siya sa aming bahay.

"Oy Jomar, magtino ka na ha. May-asawa ka na," sabi ng nanay niya.

Tumango lang si Jomar. Hindi kumilos sa pagkakaupo. Parang maamong tupa samantalang kapag naglalambutsingan kami ay parang asong ulol.

"Maghanap ka ng trabaho kahit na Metro Aide," sabi pa ng ina bago umalis.

Tumayo si Nanay makaraang makaalis ang nanay ni Jomar. Nagtungo ito sa kusina.

Lumapit ako at tumabi ako kay Jomar sa pagkakaupo nito.

"Para kang pinit- pit na kuhol d’yan, Jomar."

"Nakakatakot ang nanay mo. Parang laging manununtok."

"Ganyan talaga yan. Pero kapag hindi mainit ang ulo ay super bait naman."

"Sana ay sa bahay na lang namin tayo tumira."

"Gusto mong magkahiwalay tayo. Mabuti nga at kahit na hindi tayo kasal e okey kay Nanay."

"Ngayon lamang ako nakarinig na ina na ayaw ipakasal ang anak."

"Marami na, tange! Liberated ang nanay ko. Ayaw niya ng ikakasal tapos makalipas ang isang buwan ay maghihiwalay na. At paano kung binubugbog ang babae e di hindi agad makahiwalay dahil may nakabigkis na kasal."

"Ikaw, Cindy, gusto mo makasal tayo?"

"Siyempre sino ba namang babae ang ayaw nun?"

"Bakit hindi ka tumutol?"

"Kaya mo akong pakasalan sa simbahan at magre-reception sa isang restaurant?"

Napailing.

"O kita mo e di ikaw ang walang ikakaya."

"Pero bakit kahit sa huwes e ayaw?"

"Basta ayaw nga niya ng kasal?"

Sa kauurirat ni Jomar ay nasabi ko ang dahilan. May ka-penpal akong Amerikano at maaaring sa mga darating na panahon ay ito ang magbibigay ng katuparan sa mga pangarap na noon ko pa nais matupad.

(Itutuloy)

Show comments