Sadik (Wakas)

(Kasaysayan ni Tony Z. ng Riyadh)

PINATURUAN ako ni Sadik sa ekspertong Turko ng tamang paggawa ng shawarmang magkahalong beef at chicken. Ilalagay ang mga karne sa isang malaking tuhugang bakal. Kailangan ay maingat ang pagkakapatas ng karneng manok at baka para hindi masira ang pormang bilog nito. Kailangan ay pantay na pantay ang kapal ng pagkakasapin-sapin ng karne. Kung hindi pantay-pantay at maayos ang sapin-saping karne maaaring masira sa paghiwa.

Mabait naman ang Turko na si Hassan. Lahat nang nalalaman sa pagsa-shawarma ay itinuro sa akin. Mahigit na raw 20 taon siyang nagsa-shawarma. Doon sa kanila raw sa Ankara, Turkey ang may pinakamasarap na shawarma. Ang sekreto ng shawarma ay hindi lamang dahil sa magandang karne kundi pati na rin sa tina- pay na walang lebadura. Mayroon daw shawarmahan na basta na lamang gagamit ng tinapay. Hindi nila alam, ang tinapay na kuboz ang ginagamit dito. Manipis lamang ang kubo at tama lamang ang laki. Dapat daw ay singlaki lamang ng palad ang kuboz at mas maganda kung kuwadrado ang hugis kaysa nakagawi- ang bilog. Mas madaling balutin ang kuwadrado kaysa bilog na kuboz.

Wala pang isang linggo ay marunong na marunong na ako sa pagpapatas ng karne sa tuhugan, paglalagay sa tabi ng nagbabagang bakal at ganoon din ang paghiwa at ang paglalagay ng mga sariwang gulay sa kuboz.

"Mabsut!" sabi ni Hassan. Very good daw. Hindi marunong magsalita ng English si Hassan.

Sabi sa akin kailangan daw ay mabilis ang kilos ng isang nagsa-shawarma para hindi mainip ang kustomer. Kailangan daw ay naka-prepare ang mga sahog sa shawarma at lagay na lang nang lagay sa tinapay. Tinandaan ko ang mga sinabi ni Hassan.

Ang mga natutuhang iyon ang iniaplay ko nang bumalik sa Pinas at magtayo ng shawarmahan sa isang lugar sa Maynila malapit sa Quiapo. Sabi sa akin ni Sadik, palaguin ko raw ang shawarmahan at kapag malago na magkakaroon ng branch.

Pinagbutihan ko ang negosyo. Ako lamang mag-isa sa simula subalit nang napapansin kong dumarami na ang kustomer kumuha na ako ng katulong.

Hindi ako makapani-wala sa biglang paglobo ng negosyo. Nagkaroon ng isang branch at pagkaraan ng ilang buwan ay nadagdagan pa hanggang lima.

Tuwang-tuwa si Sadik nang bumisita sa Pilipinas dahil sa pag-asenso ng negosyo. Siya lamang mag-isa ang nagbiyahe. Baka raw sunod na taon ay isama na niya si Tina at siyempre ang aking mag-ina sa pagbabakasyon sa Pinas. Ako naman ang inaalok niyang magtungo sa Saudi para magrelax. Sabi ko’y saka na muna at sayang ang malaking kita sa negosyong shawarma. Nagtawa si Sadik.

Nang aalis na si Sadik pabalik sa Saudi ay ibinibigay ko ang buong kita ng mga shawarmahan. Pero sa pagtataka ko, hindi niya tinanggap. Sa halip, sinabing sa akin daw ang mga iyon. Sinupin ko raw nang ayos ang pera para lalo pang dumami. Nagpasalamat ako nang labis. Napakabuti ng aking kaibigan.

Iyan ang kasaysayan ko. Ang lahat ng magagandang nangyari sa buhay namin ni Susan ay dahil kay Sadik, kakambal ang sikap at tiyaga at higit sa lahat ang matibay na paniwala sa Diyos.

(BUKAS ABANGAN ANG ISA PANG KAPANA-PANABIK NA KASAYSAYAN. HUWAG BIBITAW SA PAGBABASA NG PILIPINO STAR NGAYON.)

Show comments