Sadik (ika-88 na labas)

(Kasaysayan ni Tony Z. ng Riyadh)

PATULOY ang magandang pamumuhay namin ni Susan sa Ri-yadh. Nasundan pa ng isa ang aming anak — isang babae. Lalo kaming naging masaya. Unti-unti nang dumadami ang mga tao sa malaking bahay ni Sadik at nasisiyahan naman si Sadik. Mas maganda raw ang marami para masaya ang bahay. Isang taon pa ang lumipas at buntis na naman si Tina. Sa pagkakataong iyon ay babae naman ang kanilang naging anak. Kaya lalong napuno ng saya ang aming bahay. Marami nang mga batang nagsisipaglaro sa bakuran. Ang dating bakuran na walang kabuhay-buhay ay napuno ng sigawan ng mga bata.

At nasabi minsan ni Sadik na baka kaila-ngan naming kumuha ng panibagong maid sa Pilipinas para raw may katulong si Susan sa mga gawaing-bahay. Nakikita marahil ni Sa-dik ang maraming nilalabhang damit ni Susan. At bukod doon ay nagluluto pa rin. Subalit sabi ni Susan ay hindi na kailangan sapagkat kayang-kaya niya ang trabaho. Mafi muskila.

Nang tanungin naman ni Sadik ang asawang si Tina kung nais kumuha ng bagong Pinay maid, ay tumanggi rin.

"No need to get another housemaid, my dear. Kaya namin ni Susan."

"Ikaw ang bahalah," sabi ni Sadik.

Kahit daw siya nagtatrabaho ay nagagampanan pa rin niya ang pagiging ina. Patuloy kasi si Tina sa kanyang pagtatrabaho sa ospital bi-lang superbisor sa maintenance. Noong bago pa lamang silang nagsasama ay pinatitigil na siya ni Sadik sa pagtatrabaho pero ayaw ni Tina. Sayang naman daw. At saka malapit lang naman daw ang ospital sa bahay kung anuman ang mangyari sa mga bata ay mabilis lang makauuwi. Fifteen minutes lang lakarin ang ospital mula sa bahay.

Patuloy din naman ang paglago ng negosyo ni Sadik. Nadagdagan pa ang mga sinusuplayan niya ng gatas ng camel. Lalong nagboom ang kanyang dates products. Madalas na ang kanyang aning dates ang kinukuha kapag may mga gatherings, party o di kaya’y may kasalan. Mahusay kasing variety at talagang masarap. Nasa tamang pagaalaga at suplay ng tubig ang sekreto. Hindi ako makapaniwala pero nang makita ko nga ang plantations niya ng dates sa Al-Kharj, maraming bumunga at walang patid. Sagana sa pataba at tubig ang mga tanim niyang dates. Ang pinaka-bagong negosyo ni Sadik ay ang shawarmahan sa Batha. Ilang stall ang inokupa niya sa ground floor ng Batha building. Mga Turko ang kinuha niyang helper sa shawarmahan.

Ang hindi ko inaasahan ay ang sinabi ni Sadik isang araw – balak daw niyang magtayo ng negosyo sa Pilipinas at ako ang mamamahala.

(Itutuloy)

Show comments