Sadik (ika-84 na labas)

(Batay sa kasaysayan ni Tony Z. ng Riyadh)

UMIIYAK si Trish nang inihahatid kami sa airport. Silang maglola lamang ang naghatid sa amin sa airport.

"Huwag kang umiyak anak at ipagsasama rin kita sa Riyadh. Hindi pa lamang maaayos ang papeles mo dahil mabilisan lang ang aming pag-uwi. Promise, sa sunod na uwi namin, kasama ka na."

Nangako rin naman si Sadik kay Trish na uuwi silang dalawa ni Tina pagkaraan ng anim na buwan at kasama na siya sa pag-alis.

Saka lamang tuluyang huminto sa pag-iyak si Trish.

"Paano si Lola?" tanong ni Trish pagkaraan. Wala na ang bakas ng luha.

"Dito na lang siya. Hindi naman tumatanggap ng matanda sa Saudi."

Nagtawa ako at nakitawa rin ang matanda.

"Kawawa naman si Lola rito, Mama."

"Hindi nga siya maaaring isama. Ikaw lang dahil aampunin ka na ni Sadik."

Medyo naliwanagan si Trish.

"Medyo aabutin nga lang ng matagal-tagal na panahon. Marami pang papeles."

"Parang hindi ko makakayang iwan si Lola rito, Mama..."

"Maaari naman tayong magpabalik-balik lang. At saka ikukuha natin nang makakasama ang lola kapag dinala na kita roon."

"Sino naman, Mama ang makukuha nating kasama niya rito?"

"May pinsan akong maraming anak sa Bulacan. Siguro siya ang pupuntahan ko at kakausapin nang masinsinan. Sasabihin ko, pag-aaralin ko ang sinumang makasasama ni nanay sa bahay."

Nagkasundo ang mag-inang Tina at Trisha. Matamis ang naging paalaman.

"Tawag ka agad sa akin Mama, " sabi ni Trish.

"Oo. Gagawin ko. Pagbutihin mo pa ang studies mo ha?"

"Gagawin ko Mama."

Hinalikan ni Trish ang ina. Pagkaraan ay lumapit kay Sadik at mahigpit na kinamayan.

"Take care, Sadik.

Hinalikan siya ni Sadik sa pisngi.

"Babay."

Siguro ay wala nang makahihigit sa magandang buhay na aming nalasap nang muling makatuntong sa Riyadh. Paano’y ang aming amo ni Susan ay isang kababayan. At mahigpit ang sinabi ni Tina sa amin na hindi siya amo kundi kaibigan. Magagalit daw siya kapag itinuring siyang amo. Kami raw sa bahay na iyon ay magturingang magkakapatid. Gumawa kami ni Susan na para bang nasa sariling bahay. Walang puwersahan ang pagtatrabaho. Kumain hanggang gusto. Magpahinga kung kailan gusto.

Hindi ko lubos maisip na darating sa aming buhay ni Susan ang ganitong suwerte. Kapag nasa kuwarto kami ni Susan at nag-uusap sa magandang kalagayan ng aming buhay, ay kumikislap pareho ang aming mga mata. Paano’y bihira sa mga Pinoy ang nagkakaroon ng ganitong suwerte sa Saudi. Maraming Pinoy din sa Saudi ang nagdaranas ng lupit sa kanilang amo. Mayroong hindi pinasusuweldo at minamaltrato. Ang ibang Pinay DH ay ginagahasa pa.

Wala na nga sigurong makahihigit pa sa suwerte namin ni Susan dito. At pati ang aming anak ay kasama rin sa suwerte.

(Itutuloy)

Show comments