NASISIYAHAN si Sadik sa mga bagong karanasan niya sa Pilipinas. At kahit na hindi niya sabihin, nakikita ang kaligayahan niyang nadarama sa kanyang mga mata. Pati ang kanyang mga mata ay tumatawa. Halos mga puti na lang ang makikita kapag tumatawa at nagpapakita ng kasiyahan.
"I love this place, really," sabi ni Sadik nang naglalakad na kami sa puting buhanginan. Hinahayaan naming dilaan ng alon ang aming mga paa. Pawang nakatsinelas na lamang kami sa pamamasyal sa dagat. Ang tanging naiwan sa aming inukopang bahay ay si Susan at ang ina ni Tina. Napapagod na raw ang matanda at gustong matulog.
Habang naglalakad kami ay nakahawak sa braso ni Sadik si Tina. Si Trish naman ay nakahawak sa kamay ng ina.
"But Saudi Arabia is better," sabi ko. "because of oil."
"Muskila."
"Why muskila?"
Ipinaliwanag niyang dahil sa oil kaya maraming bansa ang nag-aaway-away. Dahil sa pag-aangkin sa oil kaya may giyera. Ginawang halimbawa ang pagsakop ni Saddam Hussein sa Kuwait noong 1990. Langis ang gusto ni Saddam at pati Saudi Arabia ay gusto na ring salakayin.
"Problemah talagah kapag may oil," sabi pa ni Sadik.
"So you want to stay here?"
"Yes. I want here, because I love you."
"Naks naman."
Nagtawanan kami. Pati si Trish na hindi naman agad mapatawa ay nakitawa na rin.
Nagpatuloy kami sa paglalakad. Marami kaming nakakasalubong. Ang ibang dayuhang babae ay hindi na nahihiya habang naka-two piece na naglalakad. At napapatingin doon si Sadik.
"Your eyes!" sabing nagtatawa ni Tina sa asawa.
Bumaling si Sadik kay Tina at tiningnan ito nang matamis at saka hinalikan sa labi.
Tawanan kami ni Trish.
Nang mapagod kami sa kapapasyal ay nagyayang kumain si Tina. Sea foods ang nilantakan namin sa nadaanang restaurant. At type ni Sadik ang pagkaing iyon. Mas sariwa ay masarap daw.
Pagkatapos kumain ay patuloy sa pamamasyal.
Kinabukasan ay nag-swimming kami. Lalo nang hindi maipaliwanag ang kasayahang nadama ni Sadik. (Itutuloy)