"GUSTO ko sa huwes lamang kami makasal ni Sadik, Tony kung uuwi tayo sa Pinas."
"Ayaw mo nang bonggang kasalan?" tanong ko.
"Hindi na. Sinabi ko na rin kay Sadik iyon noong magkausap kami. Ako raw ang bahala. Kung ano raw ang gusto ko, iyon ang masusunod. Wala raw siya sey."
"Okey naman pala e di pag-uwi na lang natin sa Pinas idaos ang kasal."
"Wala namang magiging probema kung sakali dahil hindi ka naman kasal sa dati mong asawa di ba?"
Tumango si Tina.
"E paano kung yayain ka naman ni Sadik na magpaka- sal dito sa Saudi in Muslim rites?"
"Walang problema. Susundin ko rin siya gaya ng pagsunod niya sa akin."
"Wow naman. Talagang nakakakilig ang istorya ng pag-ibig nyo, Tina."
"Kayo ang may kasalanan nito," sabi ni Tina at nagtawa.
"Kailan nyo balak umuwi, Tina?"
"Sabi ni Sadik sa isang taon na para raw one year old na ang baby nyo at hindi mahirap sa biyahe."
Napangiti ako. Inalala pa ni Sadik ang aming baby. Talagang mahal niya ang anak namin ni Susan.
"Ipaalam mo na sa magulang mo at sa iyong anak ang balak mo Tina para nakapaghahanda rin sila."
"Gagawin ko na nga iyon. At siguro naman hindi na tututol si Inay sa pagkakataong ito."
Medyo gumaralgal ang boses ni Tina. Halatang noon ay pinigilan siya ng ina.
(Itutuloy)