HINDI ko na tinigilan ang dalawa para matapos na ang paghihirap. Ako na ang lubusang gumawa ng paraan para masiguradong silang dalawa na nga ang magkakatuluyan.
"Sadik do you love Tina," tanong kong walang preno.
Tila nagulat si Sadik pero mabilis din namang nakasagot.
"Yes. I love Tina very much."
"And you want to marry her?"
"Aiwa, I will marry her, if "
"If what?"
"If she is love me also."
Nagsisiguro na si Sadik. Mahirap nga namang pakasalan ang isang babae lalo pa at walang pagmamahal. Baka kung kailan napakasalan na ay saka malalamang hindi pala siya ang tunay na mahal kagaya ng nangyari sa una niyang asawa na pinagtaksilan siya.
Ayos na ang buto-buto, naisip ko. Pareho nilang gusto ang isat isa.
Si Tina naman ang tinanong ko para masagot ang mga tanong ni Sadik.
"Tina mahal mo ba si Sadik?"
Hindi agad nakasagot si Tina. Nakangiti lamang.
"Puwersahan na yata a," sabi ni Tina na namumula ang mga pisngi sa itinanong ko.
"Basta sagutin mo ako. Mahal mo ba si Sadik?"
"Ay ang daya."
"Mahal mo ba si Sadik?"
Hindi sumagot. Nakangiti lang.
"Ang hindi pagsagot ay nangangahulugan na mahal mo rin si Sadik, di ba Tina?"
Nakangiti lang. Pagkaraan ay sumulyap kay Sadik.
"Nakikita ko sa kilos mo Tina na mahal mo rin si Sadik. Hindi mo nga lang masabi "
Pagkaraan ay sinabi kong iiwan silang dalawa para lubusang makapag-usap, Magkuwentuhan sila nang magkuwentuhan.
"Okey sa iyo, Sadik?"
"Mafi muskila, Antonio."
"Okey sayo Tina?"
"Ano pa ba ang magagawa ko."
"Okey babalik ako after 30 minutes."
Lumabas ako sa villa at nagtungo sa bakkalah (store) na binilhan namin ng mga prutas. Tumingin-tingin ako sa nga naka-display na damit ng baby na naroon. Kapag may nagustuhan ako ay ibibili ko ang aking baby. Subalit wala akong magustuhan, Pawang baduy ang mga damit. Mas maganda pa ang mga damit ng baby sa Mega Mall at malalaking department store sa Maynila.
Ang sunod kong tiningnan ay ang mga tindang tsokoleyt. Mura lamang ang mga tsokoleyt na gawa mismo sa Saudi Arabia. Bumili ako ng isang kahon para ipasalubong kay Susan mamaya.
Pagkalipas ng 30 minuto ay bumalik ako sa villa. Nananabik na ako sa kinalabasan ng kanilang pag-uusap.
Dahan-dahan akong pumasok sa unit ni Tina. Hindi na isinara ang pinto. At nagulat ako sapagkat masaya silang nag-uusap at magkahawak-kamay pa. Nagkakaunawaan na sila. Wala na palang problema.
(Itutuloy)