Sadik (ika-66 na labas)

(Kasaysayan ni Ronnie M. Halos)

BAGO kami pumasok sa villa na tinitirahan ni Tina ay niyaya muna ako ni Sadik na pumunta kami sa bakkalah (store). Tinanong ko kung bakit kami pupunta sa store. Basta samahan ko raw siya.

Nang nasa loob na kami ay nagderetso sa loob si Sadik at tinungo ang fruit section. Nakabuntot naman ako sa kanya. Maraming prutas sa refrigerated case. Sariwang-sariwa ang mansanas, orange, ubas at saging. Halatang bagong pitas. Wala akong nakitang bugbog o anumang pasa sa mga prutas na naroon. Alaga talaga ang paninda sa store.

Kumuha si Sadik ng tatlong orange, dalawang mansanas, isang kilong ubas at isang piling na saging. Mabilis naman akong kumuha ng plastic basket at inilagay sa loob niyon ang mga prutas.

"This fruits is for Tina," sabi ni Sadik habang inilalagay namin sa plastic basket ang mga prutas.

"Kuwais, Sadik. Kuwais," sabi kong naka- ngiti. Talagang totoo na ito, naisip ko. Wala nang duda na malakas ang tama ni Sadik kay Tina. Ang problema na lamang ay kung may tama rin si Tina sa kaibigan ko.

Bitbit ni Sadik ang mga prutas na nakalagay sa isang transparent na plastic. Ngayon lang ako nakakita ng Arabo na may bitbit na prutas bilang pasalubong sa babae. Kasi’y nalaman ko na hindi ganito ang ugali ng mga Arabo sa panliligaw. Hindi raw marunong manuyo ang mga Arabo. Tanging magaling lang daw sa pakikipagtalik at talagang "dako" ang ari. Iyan ay base sa mga narinig ko. At nagtataka nga ako sa nakitang ugali ni Sadik na bumili pa ng prutas para pasalubong kay Tina. Style Pinoy na ang nakukuha niya. Nakangiti ako habang naglalakad patungo sa Villa 1.

May guwardiyang Indiano sa gate ng villa. Sinabi namin sa guwardiya na kaibigan kami ng nakatira sa Villa 1. Sinabi ko ang pangalan at ang number ng room. Pinapasok kami. Nakatingin ang guwardiya kay Sadik na para bang nagtataka at bakit may dala pang maraming pru-tas itong dala.

Nagtungo kami sa Villa 1. Limang villa ang nakita ko. Sa bakuran ay maraming bougainvilla na namumulaklak. Malinis ang bakuran. Pawang Pinoy daw ang nakatira roon at nagtatrabaho sa ospital.

Hanggang third floor ang Villa 1. Ang hagdan ay papaikot. Maganda ang design at pati kulay. Dinu-kot ko ang aking pitaka at hinugot doon ang kinasusulatan ng room number ni Tina: Room 315. Umakyat na kami.

Madali naming nakita ang Room 315. Nagkatinginan kami ni Sadik bago kumatok. Ako ang kumatok.

Maya-maya, may nag-alis ng kandado ng pinto. Bumukas at sumungaw ang ulo ni Tina. Hindi makapaniwala na kami ni Sadik ang nasa pintuan.

"Kaif halek, Tina?" bati ni Sadik.

"Kuwais. Come in."

Pumasok kami ni Sa- dik. Maya-maya pa ay inabot ni Sadik ang mga prutas na pasalubong.

"For you, Tina."

"O thank you," at napansin kong hindi malaman ni Tina ang gagawin.

(Itutuloy)

Show comments