"KAIF halek?" bati ni Sadik sa amin.
"Jaiyed, shokran," sagot ko.
"Kaif halek, Tina?" nakangiti si Sadik kay Tina. Si Tina naman ay napansin kong hindi mapakali.
"S-Saleh, jaiyed, shokran," (Okey naman ako. Salamat.)
Nag-usap pa ang dalawa. Arabik ang kanilang usapan. Halata kong masaya si Tina habang nakikipag-usap kay Sadik. Nakita kong nangingislap ang mga mata.
Matapos mag-usap ay ang kalagayan ng asawa kong si Susan ang kinumusta ni Sadik.
"Kamustah sih Susan?" tanong sa akin. Sumisingaw ang pagsasalita niya ng Tagalog.
"Mabuti naman siya. Hindi pa nanganganak pero malapit na raw."
"Anoh bah anak niyah?"
"Hindi pa nalalaman. Baka mamaya pa, Sadik." "Tane-ah, Antonio."
"Shokran."
Nagpatuloy sa pag-uusap sina Sadik at Tina. Ako naman ay nakaupo at iniisip ang nangyayari sa aking asawa. Ipinagdarasal kong makaraos siya nang ligtas. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin kapag may nangyari kay Susan. Kasiy sa panganganak namatay ang aking ina. Namatay daw ito habang ako ay ipinanganganak. Ayon sa kuwento ng aking ama, hindi nakayanan ng aking ina ang hirap. Basta ganoon lamang ang kuwento at hindi na masyadong naisalaysay nang todo ng aking ama. Sabi ng aking ama, masyadong masakit ang pangyayari. Pero makalipas lamang ang isang taon ay muling nag-asawa ang aking ama. Itinuring naman akong parang anak ng napangasawa niya.
Namatay ang aking ama noong ako ay 16-anyos. Noon ako nagpasyang magpunta sa Maynila. Kung anu-anong trabaho ang pinasok para mabuhay. Nag-waiter ako, nagtrabaho sa gasolinahan, nag-mensahero at iba pa. Nagkakilala kami ni Susan at iyon ang pinaka-maligayang pangyayari sa aking buhay.
Kapag naalala ko ang mga pinagdaanang hirap sa buhay, hindi ko aakalaing makakarating dito sa Riyadh at makatatagpo ng mabait na amo na kagaya ni Sadik.
"Antonio!" tawag ng lalaking attendant.
Napaigtad ako sa pagkakaupo. Sina Sadik at Tina ay patuloy naman sa pagkukuwentuhan sa di-kalayuan.
"Aiwa! Aiwa!"
"Maji!" (Halika!)
Mabilis akong lumapit sa attendant. Sa hula ko, Pakistani ang attendant.
"Antonio, thane-ah!" (Congratulations)
Sa pagbati pa lamang ng attendant ay nahulaan ko nang magandang balita ang dahilan kaya niya ako tinawag. Tiyak na nanganak na si Susan. Ligtas na sa kapahamakan ang aking mahal na asawa. Wala na akong dapat ipag-alala.
At mas lalo akong natuwa nang sabihin ng attendant na isang baby boy ang aking anak. Malusog daw ito. Mafi muskila raw.
Gusto kong maglulundag sa tuwa. Katulad din ng una kong marinig na buntis si Susan. Pagkaraan nang maraming taon ay may anak na kami at lalaki pa. Mayroon nang magdadala ng apelyido ko.
Sinabi ng attendant na pagkaraan ng isang oras ay maaari nang makita ang sanggol sa nursery room. Tiningnan ko ang aking relo: alas-singko ng umaga. Mga alas-sais ay makikita ko na ang aking pinakamamahal na anak.
Nagpasalamat ako sa attendant.
Masaya kong nilapitan sina Sadik at Tina na noon ay wala pa ring tigil sa pagkukuwentuhan. Talagang sanay na sanay nang magsalita ng Arabik si Tina sapagkat nagtatawanan pa sila nang ako ay lumapit.
Sinabi kong nanganak na si Susan at lalaki.
"Thane-ah! Thane-ah Antonio!"
"Shokran, Sadik. Shokran!"
Mahigpit akong kinamayan ni Tina.
"Magpakain ka Tony."
"Mafi muskila. Kahit anong gusto mo."
"Puwede na ako sa shawarma at Pepsi," sabi at nagtawa si Susan.
"Muskila shawarma?" tanong ni Sadik kay Susan.
Ipinaliwanag ni Susan na kaugalian sa mga Filibin na kapag nanganak ang asawa ay nagpapakain o nagpapainom. At dahil bawal namang magpainom sa Saudi Arabia, magpapakain na lamang. Puwede nang ipakain ang shawarma at ang iinumin ay Pepsi.
Humagalpak ng tawa si Sadik. Wala raw problema at siya ang magpapakain. Kahit na ano raw ang gustong kainin. Selebrasyon daw sa pagsilang ng aking anak na lalaki.
Dakong alas-sais ay niyaya ko na ang dalawa sa nursery room para makita ang aking anak. Katulad ko, tuwang-tuwa rin sina Tina at Sadik. Para bang sila ang mga magulang ng aking bagong silang.
(Itutuloy)