Sadik (36)

(Kasaysayan ni Tony Z. ng Riyadh)
HINDI raw mapigilan ng asawa kong si Susan ang mapahagikgik sapagkat malayung-malayo sa sinabi kong itsura ang lalaking Saudi na lumapit sa kanya.

"Sabi mo kasi noon maputi at guwapo ang Sadik na kasama mo sa Saudi. Iyon pala ay Negro…"

"Di ba guwapo naman – guwapo ang ugali."

Napatangu-tango si Susan. Sang-ayon siya sa sinabi ko.

"Anong nangyari nang lumapit sa iyo si Sadik?"

"Siyempre nagulat ako. Nagpakilala siya. Siya raw si Sadik na kaibigan ng Filibin na si Antonio. At para maniwala ako na siya si Sadik ay ipinakita sa akin ang retrato nating mag-asawa. Yung naka-frame na inilalagay sa table…"

"A kinuha siguro niya sa table ko."

"Naniwala na agad ako. Noon ko tinanong kay Sadik kung bakit bigla niya akong pinapunta rito sa Saudi."

"Mamaya na raw niya sasabihin kapag nasa sasakyan na. Tanong ko kung masama ba ang sasabihin niya. Hindi siya nagsalita."

"Anong sinabi niya sa sasakyan?"

"Ikinuwento na niya ang lahat ng nangyari. Iniligtas mo raw siya at kanyang ina sa dalawang magnanakaw. Kung hindi raw dahil sa iyo, baka patay na silang mag-ina…"

Nasiyahan ako sa sinabi ni Susan. Parang lalo akong lumakas.

"At hindi lamang iyon, nasubukan ka raw niya sa maraming beses. Mabuti ka raw tao. Matulungin at hindi marunong gumawa ng masama…"

Marami pang ikukuwento si Susan pero humingi muna ako ng tubig. Binigyan ako. Pag-abot ng tubig ay napansin kong lalong gumanda ang aking asawa. Tiningnan ko siya nang malagkit.

(Itutuloy)

Show comments