TINATAWAG ako ni Sadik pero blurred na ang ti-ngin ko sa kanya. Unti-unti nang tumatakas ang kamalayan ko.
"Antonio! Antonio! The police are coming. Ambulance is here!"
Sa sinabi ni Sadik ay nagkaroon ako ng pag-asa at lumakas ang loob. Hanggang sa marinig ko ang mga yabag na paparating. Narinig ko ang salitaan ng mga taong nahulaan kong mga pulis.
"Yallah! Yallah!"
"Asre! Asre!"
Hanggang sa naramdaman ko na dahan-dahang akong binubuhat ng apat o tatlong tao na nakauniporme ng puti.
"Asre! Adraknal wakt!"
Dahan-dahan akong ibinaba sa isang malambot na higaan at saka mabilis na itinulak. Pakiramdam ko ay kasingbilis ng takbo ng sasakyan ang ginawang pagdadala sa akin. Ni hindi ko namalayang ibinaba ako mula sa bahay hanggang dalhin sa ambulansiya. Bago tuluyang umalis ang ambulansiya ay hinawakan ako sa kamay ni Sadik at pinalalakas ang loob ko.
"La tahtama be zalek."
"Shokran, Sadik," sagot ko kahit na nanlalabo na ang paningin ko.
"Men altafekom."
Pagkaraan niyon ay isinara na ng isang attendant ang pintuan ng ambulansiya at mabilis na umalis. Parang ibinirit sa bilis ang ambulansiya at bahagya kong naririnig ang wang-wang nito.
Ilang minuto lang marahil kaming naglakbay at narito na kami sa ospital. Mabilis din akong naibaba sa ambulansiya at naipa-sok sa emergency room. Doon na tuluyang nanlabo ang mga mata ko hanggang sa wala na akong matandaan.
Nang magising ako ay parang blanko ang isipan ko na hindi maaalala ang mga nangyari. Matagal bago ko naaalala ang lahat.
Nakita ko si Sadik na nakaupo sa sopa at tila natutulog. Siguroy binantayan ako hanggang sa matapos ang ginawa sa aking operasyon ng doktor. Siguroy mabilis ding sumunod sa akin sa ospital si Sadik at nang ilipat na ako rito sa kuwarto ay hindi na umuwi at binantayan ako.
Naramdaman ni Sadik ang aking paggising. Lumapit siya.
"Kaifa halek?"
"Ana be sehah jaiyedah."
Nakatawa si Sadik at nakita ko ang mapupu-ting mga ngipin. Pati mga mata niya ay nakatawa at halos ang mga puti nito ang aking nakita.
(Itutuloy)