DAKONG alas-dose ng tanghali ay pabalik na kami sa Riyadh ni Sadik. Nakatirik ang araw kaya nadarama ko kahit na naka-aircon ang pickup. Nauuhaw ako. Naramdaman yata ni Sadik na nauuhaw ako.
"Atash, Antonio?" tanong nito. Na agad namang sinalin sa English dahil wala pa akong alam sa Ara-bic. "Thirsty?"
"Aiwa?" Sagot ko. Iyon pa lang ang kabisado kong Arabic. Aiwa na ang ibig sabi-hin ay "yes".
Inutusan akong itigil muna sa gilid ng highway ang pick-up. Ginawa ko iyon. Bumaba si Sadik at may kinuha sa likod ng pick-up. Nang dalhin sa akin ay isang pitsel na stainless na puno pala ng gatas ng kamelyo.
"Drink Antonio. Its delicious!"
Atubili ako. Hindi ako sanay uminom ng gatas. Kape lang ang gusto ko. Maski sa Pilipinas ay hindi ako umiinom ng gatas ng baka at kalabaw, e kamelyo pa kaya.
"Shorb Antonio! Drink!"
Atubili pa rin ako.
"Mafi muskila Antonio," sabi ni Sadik.
Pagkuway nakita kong may kinuhang supot na plastic na nakatago sa pinakakahon sa ilalim ng upuan ng pick-up. Binuksan at pumiraso at ibinigay sa akin.
"Eat and then drink halb."
"What is this Sadik?"
"Tamr."
"Dates?" tanong ko.
"How do you know Antonio?"
Sinabi ko na isang pinsan ang nag-uwi sa Pinas ng tamr.
"Its good for the body."
Wala akong nagawa kundi kumain ng tamr o dates. Masarap. Tamang-tama ang tamis.
"First class variety," sabi ni Sadik.
Palagay ko nga ay first class sapagkat ang natikman kong dates o tamr noon ay parang ginamitan pa ng preservatives. At parang nadurog na ang laman. Samantalang ang ibinigay sa akin ni Sadik ay suwabeng-suwabe ang lasa.
"Ok Antonio? Mabsot?"
"Okey Sadik."
"Drink halb."
Uminom ako ng gatas ng kamelyo. Tinungga ko mula mismo sa stainless na lalagyan. Unang sayad pa lamang sa labi ko ay nakadama na ako ng sarap. Kakaibang gatas! Walang anggo. Sinunud-sunod ko ang lagok. Walang patid. At nang ibaba ko ang stainless ay kalahati na ang laman.
"Okey Antonio?"
"Okey na okey Sadik!"
Iyon lang ang tanghalian ko. Hindi ako nagutom. Malakas na malakas ang katawan ko. Tama si Sadik.
(Itutuloy)