Ebo at Adan (94)

(Batay sa kasaysayan ni D.M.L.)

SABI sa akin ng babaing nagturo sa kinaroroonan ni Joan, nag-iisa lamang ito sa bahay na nasa loob ng resort. Kumpleto naman daw sa bahay na iyon. Dating tirahan daw iyon ng may-ari ng resort na ngayon ay nasa United States na. Tuwing six months daw nagbabalik-bayan. Naisip ko, paano nalalabanan ni Joan ang kalungkutan sa malayong lugar na ito na may tatlo o apat na oras lakbayin. Tiniis na lumayo sa akin at dito nagpunta.

Isang oras pa ang lumipas at nakita kong pumasok na ako sa Balayan. Malaki na ang pagkakaiba mula nang huli akong pumunta rito. Noon ay hindi pa gaanong maganda ang kalsada pero ngayon ay sementado na.

Sabi pa ng babaing nakausap ko, magtanong na lamang daw ako kung saan matatagpuan ang Villa Aurora resort. Kilala raw ang resort na iyon.

Isang lalaking naglalakad ang tinigilan ko para magtanong kung nasaan ang Villa Aurora resort.

"Deretsuhin mo lang ang kalsadang iyan sa kanan at makikita mo na. May arko sa entrance ang resort..." sabi ng lalaking puntong Batangas.

"Salamat."

Tinungo ko ang itinuro. Tama nga. Nakasulat sa arko ang pangalang VILLA AURORA. May lalaking nasa gate na nagsisilbing guwardiya siguro. Sumaludo sa akin ang lalaki. Pumasok ako. Deretso sa direksiyon ng dagat. Hanggang sa humantong ako sa isang malaking bahay. Parang kinakabahan ako.

(Itutuloy)

Show comments