Ebo at Adan (ika-92 na labas)

(Batay sa kasaysayan ni D.M.L.)

"ANO ang tungkol kay Joan, Miss?" tanong ko na may halong kaba at pananabik.

"Alam ko kung saan siya makikita. Hindi ko na kasi matiis na nag-iisa siya sa kanyang kalagayan…"

"Anong kalagayan?"

"Buntis siya."

Hindi ako nakapagsalita. Ang pagsasalo pala namin noon ay nagbunga. Binilang ko. Pitong buwan. Kung ganoon ay halata na ang tiyan.

"Mahigpit ang bilin niya sa akin na huwag sasabihin ito kahit kanino. Mas lalo pa nga sa’yo in case raw na matunton mo ang address na dati niyang tinitirahan… pero naaawa nga ako sa kanya."

"Sabi ko na nga ba at may alam ka."

"Noong magpunta ka rito sa bahay, gusto ko nang sabihin sa’yo ang lahat kaya lamang ay baka magalit sa akin si Joan…"

"Ngayon ay alam ko na ang nangyari. Maaari mo na bang sabihin kung saan ko siya makikita?"

"Nasa Balayan, Batangas siya. Ang bahay na inuupahan niya ay nasa isang resort. Napili raw niya ang lugar dahil tahimik at saka anumang oras daw na abutin siya sa panganganak ay may pasilidad. Kaibigan ng mga magulang niya ang may-ari ng resort…"

"Salamat sa tulong mo. Pupuntahan ko siya roon," sabi kong may taginting ang boses.

(Itutuloy)

Show comments