Ebo at Adan (ika-67 na labas)

(Batay sa kasaysayan ni D.M.L.)

KAILANGANG operahan si Rina. Hindi na makukuha sa gamot ang mga natipong kristal na maliliit na bato sa kidney. Sabi ng doktor, maalis man ng gamot ang ilan sa mga kristal na bato, dadami uli iyon. Kung operasyon, nakasisiguro nang lubusang paggaling.

Naisagawa ang operasyon kay Rina. At naghalili kami ni Joan sa pagbabantay sa kanya. Uuwi ako at magpapalit ng damit at pagkatapos ay siya naman ang magbabantay sa ospital.

"Kahit na ako na lang ang magbantay sa ospital, Dan..." sabi ni Joan nang magkasalubong kami sa lobby.

"Bakit?"

"May trabaho ka di ba?"

"Kaya ko naman."

"Puwede akong huwag nang umuwi at dito na lang magpalit ng damit."

"Paano ka maliligo?"

Nag-isip.

"Oo nga ano?"

"Okey nang dito ako sa gabi magbantay at ikaw sa araw, okey?" sabi ko.

"Sige."

Pero kami ni Rina ay tila malayo sa isa’t isa. Sa halip na kaming dalawa ang magkalapit dahil sa kalagayan niya, tila lalo pang lumayo. Ewan ko, pero tumigas na yata ang loob niya. Para bang ayaw na niyang makipagbati sa akin.

Kapag ako nakabantay sa kanya, wala kaming imikan. Tatanungin ko lang kung nagugutom siya at kapag tumango ay saka ko lamang pakakainin. Hanggang ganoon lang. Ewan ko kung ano itong nangyayari sa amin.

Minsan ay hindi agad nakasunod sa ospital si Joan pero kailangan ko nang umuwi sa bahay para maligo at makapasok sa opisina. Ipinagbilin ko sa isang mabait na nurse si Rina at umuwi ako.

Pagdating ko sa bahay ay dere-deretso ako sa aming kuwarto at hinagilap ang tuwalya para maligo. Saka ko na sasabihin kay Joan na kailangang makapunta siya sa ospital dahil walang kasama si Rina.

Tiwala akong walang tao sa banyo kaya itinulak iyon. Nagulat ako dahil naroon pala si Joan at naliligo. Hubad. Mapu-ting-maputi ang katawan.

"Dan!"

"Sorry!" sabi ko sabay atras.

Narinig ko ang klik ng seradura. Kung bakit hindi sinisigurong naka-lock ang pinto. Ayun tuloy. Parang nakikita ko pa ang kaputiang iyon ni Joan.

(Itutuloy)

Show comments