Ebo at Adan (ika-57 na labas)

(Batay sa kasaysayan ni D.M.L.)

ITINULOY ni Nick ang pagkukuwento tungkol sa asawa niyang nanlalaki. Sa isang club kami na rekomendado ni Nick kami nagpunta. Ang club ay katulad din ng Mayumi na pinagtatrabahuhan ni Hilda. May mga babae ring rumarampa roon. Pero hindi sa mga babaing nasa stage nakatutok ang aking atensiyon kundi sa kuwento ni Nick.

"Masakit pala ang maiputan sa ulo, Dan," sabi ni Nick makaraang tuminidor at kumain ng fried chicken wings.

"Ano bang nangyari?" tanong ko na nasasabik na sa kanyang kuwento.

"Natuklasan na niya ang ginagawa naming kataksilan ng maid. Akala ko, wala siyang gagawin iyon pala, meron," sabi at uminom ng beer. Bago ibinaba ang bote ng beer ay wala nang laman iyon.

"Sabi ko mag-ingat ka di ba?"

"Hindi ko kasi akalaing mahuhuli kami. Bigla na lamang umuwi ang misis ko isang oras makaraang umalis."

"Naabot kayo?"

"Abot na abot pards! Nakapasok pa si manoy."

Natawa ako sa sinabi niya.

"Hindi mo nabunot?"

"Ikaw ba bubunutin mo habang nasa kasarapan ang pagbaril?"

Natawa uli ako.

"Sinugod kaming dalawa. Sinuntok muna ako bago binalingan ang maid. Sinabunutan ito at pinagsasampal."

"Tapos anong nangyari?"

"Lumayas ang maid. Ako naman, parang napitpit ang bayag. Walang kaimik-imik. Paano ako iimik e huling-huli sa akto."

"Sabi ko nga sa’yo mag-ingat ka."

"Nag-ingat naman ako kaya lang hindi gaano. Dapat hindi ko sa bahay ginalaw ang maid. Sayang pa naman si Diana Zubiri."

"O e paano ka naman "iniputan"?"

"Akala ko tapos na ang nangyaring iyon at unti-unti na akong pinatatawad. Pero mali pala ako. Napansin ko, laging ginagabi ang misis ko galing sa trabaho. Nauuna pa akong dumating sa kanya gayong dati ay maaga siyang umuuwi…"

"Ano ang dahilan at laging umuuwi ng atrasado?"

"May lalaki pala siya – batambata ang siyota. At ang masakit, sinusustentuhan ang lalaki…"

Masakit nga pala.

"Minsan, sinundan ko sila. Ang misis ko pa ang nagdadrayb ng kotse at tuluy-tuloy sila sa isang motel sa Pasay. Gusto ko silang sundan sa loob pero pinigilan ko ang sarili. Umalis na lamang ako sa lugar na iyon na mabigat na mabigat ang loob…"

Gusto pa yatang umiyak ni Nick. Pinainom ko pa ng beer para malimutan ang problema. Hindi raw niya masisi ang asawa dahil siya ang nagsimula ng kataksilan.

"Masuwerte ka Dan at hindi ka kinakaliwa ng misis mo."

Napatango na lamang ako. Kung alam lamang ni Nick na nagtataksil din ang asawa ko pero mas magaan dahil sa kapwa babae pumatol.

(Itutuloy)

Show comments