KINAGABIHAN katulad ng dati ay nagtungo ako sa club na pinagtatrabahuhan ni Hilda. Wala na akong ibang mapupuntahang iba kundi roon. Si Hilda lamang ang nakaiintindi sa akin at nakaalam sa mga tunay na nangyayari sa akin.
Pumuwesto ako sa mesang nasa sulok. Hindi pa ako natatagalang nakaupo ay lumapit na ang waiter na madalas umisti-ma sa amin ni Hilda.
"Bosing wala si Hilda," sabi sa mababang boses.
"Kagabi ay magkasama kami."
"Tumawag po kani-kanina lang at may problema yata."
"Ano raw ang problema?"
"Hindi po sinabi pero sa dinig ko ay umiiyak."
"Ano kayang problema?" "Pero mayroon namang ibang maganda diyan Bo-sing. Me mga estudyante "
"Huwag na muna."
"Talagang si Hilda ang gusto mo Bosing?"
Tumango ako.
"Anong order mo Bosing?"
"Bigyan mo ako ng isang boteng beer at kalderetang baka."
"Sweet chili chicken wings bossing?"
"Hindi na muna."
"Okey Sir."
Mabilis na umalis ang waiter.
Nag-isip ako kung anong problema ni Hilda. Wala naman siyang nasabi sa akin kaninang maghiwalay kami. Mabuti na lang pala at binigyan ko ng pera. Baka may nangyaring masama. Hindi iyon aabsent kung hindi matindi ang problema. Malihim din kasi si Hilda. Kung hindi ko pa inurira ay hindi ikukuwento ang tungkol sa ina at kapatid na nasa probinsiya. Siya lang daw ang inaasahan ng mga ito. Iyon daw kinikita niya sa club ay ipinadadala niya lahat sa ina at kapatid na nag-aaral. Ang natitira ay ang pambayad sa inuupahang kuwarto.
Dumating na ang beer na inorder ko. Wala pa ang pulutan. Maya-maya ay kasunod nang dumating ang kaldereta. Tamang-tama sa beer ang kaldereta.
Nakadalawang boteng beer ako. Binayaran ko na ang chit at umalis na. Pupuntahan ko si Hilda.
Madilim sa kuwarto niya. Walang tao. Umalis marahil at hindi pa bumabalik. Saan kaya nagpunta?
Pabalik na ako sa kinapaparadahan ng kotse nang masalubong si Hilda.
"Anong problema?"
"May sakit ang nanay ko. Kailangang madala rito sa Maynila. Naghanap ako nang mauutangan "
Napabuntung-hininga ako.
"Alam mo Hilda, gusto ko nang magalit sayo. Narito naman ako e kung kani-kanino ka pa lumalapit."
Umiyak si Hilda.
"Doon nga tayo sa kuwarto mo mag-usap."
Lumakad kami. Patuloy sa pagnguyngoy si Hilda.
(Itutuloy)