SA pagkakatanda ko ay matagal na nawala sa Pilipinas si Joan. Matalik silang magkaibigan ni Rina. Bago ko pa niligawan si Rina ay magkakilala na sila. Hindi ko lamang naitanong kung bakit biglang nangibang bansa si Joan.
Nang magising si Rina ay sinabi kong tumawag si Joan.
"Magkikita na naman kayo ng best friend mo. Matagal din bago siya nagbalik ano?"
"Mahigit 15 years din."
"Di ba sabi mo hindi na siya babalik dito sa Pinas?"
"Oo. Hindi nga siya sumulat o tumawag sa akin."
"Bakit kaya biglang umuwi?"
"Nagsawa na siguro sa Tate."
"Sabagay kahit naman magpabalik-balik siya rito, okey lang dahil mayaman sila di ba? Ano nga bang business nila?"
"Garment."
"Hindi ko naitanong kung may asawa na. Wala pa siguro ano?"
Tumango lamang si Rina.
"Anong oras daw pupunta rito si Joan?" tanong ni Rina pagkaraan.
"Lunch time raw."
"Kailangan pala makapagluto ako ng special. Kailangan yung paborito niyang putahe ang mailuto ko."
"Kailangan talaga special dahil sa tono ng boses ni Joan e sabik na sabik na sa iyo. Gustung-gusto ka nang makita "
Tumingin sa akin nang makahulugan si Rina. Parang may ibig sabihin din ang kanyang ngiti.
Pumasok na ako sa trabaho.
Kinagabihang umuwi ako ay maraming ikinuwento sa akin si Rina tungkol sa kaibigan niyang si Joan. Baka dito na raw magpirmi. Nagsawa na raw sa State.
"Walang pang asawa?"
"Wala."
Nang gabing iyon ay hiniling ko kay Rina na "mag-ano" kami subalit tumanggi. Meron pa raw siya. Hindi na ako nagpumilit. Pero malakas ang kutob ko na natatakot siyang "lumaylay" muli si Peter. Naunawaan ko si Rina.
Kinabukasan, maagang-maaga pa nang biglang dumating si Joan sa bahay. At hindi ko inaasahan ang Joan na nakita ko. Hindi ako makapaniwala. Si Joan nga ba ito? (Itutuloy)