Ebo at Adan (Ika-6 na labas)

(Batay sa kasaysayan ni D.M.L)

IYON ang una at huli naming "paglalaro" ni Greta. Kinabukasang magkita kami ay parang walang nangyari. Makalipas pa ang isang buwan ay nalaman ko na lamang na nagpalipat siya ng ibang branch. At ilang buwan pa ay nabalitaan kong nagtungo na raw sa ibang bansa. Hanggang doon na lang ang balita ko kay Greta. Walang nakaalam sa "isang gabing pagtatalik" namin ni Greta. Wala ring kaalam-alam ang asawa kong si Rina.

Pagkatapos ni Greta, isang babaing nagngangalang Malou ang naidagdag sa listahan ng mga babaing nakalaro ko. Si Malou ay hiwalay sa asawa. May dalawang anak. Nakilala ko siya nang dumalo ako sa meeting sa isang hotel. Ako ang ipinadala ng aming kompanya. Si Malou rin ang ipinadala ng kanilang kompanya.

Nang mag-lunch break ay kami ang magkatabi sa table. Smart na babae. Mukhang matatag. Hindi agad ikinaila sa akin na separada siya at mag-isang bumubuhay sa kanilang anak.

"Hindi ka ba nahihirapan?"

"Sanay na."

"Hindi na dinadalaw ang mga anak mo."

"Hindi."

"Ibang klase rin ang asawa mo ano?"

"Okey lang naman sa akin. Mabuti nga at wala na akong sakit ng ulo. Kapag ang mga anak ko’y naging successful tutulo naman ang laway niya."

"Wala bang nanliligaw sa’yo?"

"Meron pero ayaw ko. Yung mga anak ko na lang ang inaasikaso ko. Peste lang ang mga lalaki sa buhay ko!"

"Aray naman!"

"Sorry pero ganoon ang pananaw ko."

Bago kami naghiwalay ni Malou ay nakuha ko ang cell phone niya. Parang na-challenge ako sa sinabi niyang peste lamang ang mga lalaki sa buhay.

Tinawagan ko siya kinabukasan habang nasa office.

"Busy ka ba?" tanong ko.

"Hindi naman. Walang gaanong trabaho ngayon."

"Puwede ka bang imbitahan mamaya. Kain tayo.."

"Naku ha? Kung balak mo akong ligawan, huwag na."

"Bakit?"

"Walang mangyayari. At saka may asawa ka na. Delikado akong giyerahin ng misis mo."

Lalo pa akong na-challenge kay Malou. Sa halip na sumuko, lalo pa akong naging masigasig. Tinawagan ko nang tinawagan. Hanggang sa mapapayag kong magkita kami at kumain.

"Ang galing mo talaga, Dan," sabi nang magkatabi na kaming kumakain sa isang seafood restaurant.

"Hindi kasi ako nakukuntento sa sagot na "hindi" at "huwag"."

"Naku ha?"

"Sana katulad mo ‘yung asawa kong iresponsable."

"Madali bang sumuko ang asawa mo?"

"Walang backbone yon e. Mahinang klase."

Alam ko, makukuha ko na si Malou.

(Itutuloy)

Show comments