TINUPAD na lahat ni Itay ang kanyang mga pangako sa amin ni Inay. Ang lahat ng kanyang mga pagkukulang ay binayaran na lahat at pati interest ay isinama na. Ang tangi lamang daw na hindi niya maibibigay ay ang pagpisan sa amin sapagkat mayroon nga siyang asawa sa US. Pero tanggap na namin ni Inay ang ganoong sitwasyon. Wala na kaming balak magreklamo pa sapagkat sa totoo naman ay hindi naman legal na asawa ni Itay si Inay. Ang mahalaga ay nakaahon kami sa hirap ng buhay dahil sa pagbabalik niya at pagbabayad sa mga "utang".
Tapos na ako ng pag-aaral ng business administration at mayroon akong karangalan. Kaya naman madali akong nakahanap ng trabaho na may malaking suweldo. Ako na ang nagpapaaral kay Donna na noon ay nasa kolehiyo na rin.
Isang magandang bahay at lupa ang nabili namin sa isang subdibisyon sa labas ng Metro Manila. Malaki ang lote kaya naman nagkaroon ng pagkakataon si Inay na pagandahin ang bakuran. Tinaniman niya iyon ng sari-saring halamang namumulaklak. Ang pagtatanim at paglilinis sa bakuran ang nagsisilbi niyang exercise. Sabi kasi ng mga doktor, nararapat ang ehersisyo sa mga katulad ni Inay na may diabetes.
Kahit na alam ni Itay na may trabaho na ako ay patuloy pa rin siya sa pagpapadala ng sustento. Kaya naman malaki pa rin ang naiipon ko kahit na pinag-aaral ko si Donna.
Sabi ni Itay kapag tumatawag sa telepono, hindi magtatagal at baka papuntahin niya ako sa States para mag-manage ng kanyang business doon. Doon daw tiyak na susuweldo ako nang limpak.
Huwag daw muna akong mag-aasawa. Saka na raw mag-asawa. Sagot ko naman ay wala pa sa isip ko ang pag-aasawa. Gusto ko munang alagaan si Inay. Gusto kong maranasan niya ang tunay na ginhawa pagkaraan din naman nang matagal na panahon na pagkakalubog sa putikan.
Hangang-hanga si Itay sa akin dahil sa labis kong pagmamahal kay Inay. Sagot ko naman, kakaibang ina si Inay na lubusan kaming ipinaglaban at ipinagtanggol ni Donna.
Sabi pa ni Itay, kakaiba raw ako, hindi katulad ng kanyang mga anak sa orihinal na asawa na masyado nang naimpluwensiyahan ng pag-uugali ng mga Amerikano. Bihira raw silang dalawang mag-asawa sa kanilang bahay. Kanya-kanya na raw ng lakad.
"Kaya gustung-gusto kitang madala rito sa US. Para naman makadama ng pagmamahal sa isang anak..."
"Hayaan nyo Itay at magkakasama rin tayo diyan..."
Isang araw ng Linggo, hindi namin inaasahan ang pagdalaw ni Ate Au. Matagal pala siyang hindi nakauwi mula sa pagtatrabaho sa ibang bansa. Nalaman daw niya ang aming tirahan sa katiwala ng dati naming tirahan doon.
May asawa at anak na si Ate Au at sa ibang bansa na rin naninirahan. Nakahango na rin siya nang tuluyan sa putikan.
(BUKAS, ABANGAN ANG ISA PANG NAKAPANANABIK NA KASAYSAYAN. HUWAG BIBITIW SA PAGSUBAYBAY).