Salamat, hinango mo ako sa putikan! (Ika-97 na labas)

(Batay sa kasaysayan ng isang nagpapatago sa pangalang Che)

"SORRY, anak! Sorry," sabi ng aking ama. Napakasarap pakinggan nang tinawag niya akong anak. Sa kauna-unahang pagkakataon pagkalipas nang maraming taon ay narinig ko rin iyon sa bibig ng aking ama.

"Magbabayad ako ng utang sa inyong mag-ina. Gaya ng nasabi ko sa iyo kanina, matindi ang nadama kong tusok sa konsensiya. Habang nasa US ay naaalala ko ang dalawang inaping tao. Kaya narito ako at humihingi ng tawad. Pinatatawad mo ba ako Anak ko?"

Umiyak ako nang umiyak. Ano ba ang magagawa ng tulad ko sa pagkakataong iyon kundi ang umiyak. At maaari ko ba namang hindi patawarin ang aking ama na narito at nagpapakumbaba na? Bumalik mula sa US at hinanap kaming mag-ina. Siguro’y bato na lamang ang hindi matitinag sa pakiusap ng aking ama. At inaamin ko, sabik ako sa ama. Kanina pa ngang nag-uusap kami sa restaurant ay gusto ko na siyang yakapin.

"Sorry Anak ha?"

Iyon ang tamang pagkakataon para ipakita ko ang pagkasabik sa kanya. Mahigpit ko siyang niyakap at hinalikan sa pisngi.

"Itay…" at muli ay may luhang nag-unahan sa pisngi ko.

"Hindi pa naman huli para magbayad ng utang. Ipatitikim ko sa inyong mag-ina ang mga hindi ko naibigay sa inyo…"

"May sakit si Inay, Itay… pabalik-balik siya sa ospital. Nang maospital siya noon, e walang-wala kaming malapitan kaya napilitan akong pumasok na modelo sa Black Roses…."

"Ipagagamot ko ang Inay mo. Dadalhin natin sa mahusay na doktor."

"Diabetic siya Itay."

"Walang problema, Anak."

Pagkaraan ay binalingan si Inay na noon ay nakatingin sa amin ni Itay.

"Huwag ka nang mag-isip Gracia para madali kang gumaling. Pangako ko sa iyo na bago ako umalis patungong US ay maayos na ang kalagayan ninyong mag-ina."

"Gaano ka ba katagal dito Itay?"

"Mga dalawang buwan anak pero maaari akong mag-extend. May negosyo kasi ako sa US kaya hindi maaaring magtagal. Pero maaari akong bumalik pagkaraan ng ilang buwan."

"Mayroon ka bang anak sa iyong asawa, Frank," tanong ni Inay.

"Meron pero may mga pamilya na. Wala na nga akong ginagastusan doon kaya ang pera ko ay maaaring mapunta nang lahat sa inyong mag-ina."

Hindi ko maipaliwanag ang nadaramang kasiyahan sa pagkakataong iyon.

"Ililipat ko kayo sa isang magandang apartment. Yung kumpleto. Pagkatapos ay ibibili ko kayo ng isang bahay at lupa sa isang subdibisyon. Kaya magsimula ka nang maghanap ng mabibilihang bahay at lote, Che."

"Opo, Itay."

Nakita ni Itay si Donna na nakatingin sa amin. Nakaupo sa sulok si Donna.

"Hindi mo nga pala ipinakikilala sa akin si…"

"Ay oo nga pala. Siya si Donna, Itay, kapatid ko."

"Kumusta ka Iha?"

"Mabuti po."

"Itay na rin ang itawag mo sa akin mula ngayon."

"Opo Itay."

(Itutuloy)

Show comments