"HINDI Au ang pangalan ng babaeng hinahanap ko sa Black Roses," sagot ni Mang Frank.
"E ano pong pangalan?"
"Gracia."
Nag-isip ako. Liban kay Inay, wala nang iba pang Gracia sa Black Roses. May kabang unti-unting lumalamon sa akin. Parang may umaakyat na takot at kasabay niyon ay may nag-uutos na huwag ko nang pakinggan pa ang mga sasabihin ng lalaki. Ganoon ang nararamdaman ko sa mga sandaling iyon. Pero kailangang malaman ko ang pakay ng lalaking nasa harap ko.
"May kilala kang Gracia, Iha?" tanong ni Mang Frank na parang nabuhay ang mga mata. Nagkaroon ng kislap.
"Opo."
"Talaga? Saan ko siya makikita, Iha?"
Nagkakaroon na ng hugis sa aking isipan. Ang lalaking ito ay malaki ang kaugnayan sa aking buhay. Nararamdaman ko. Hindi na maaaring magkamali ang nararamdaman ko."
"Gusto ko po munang malaman kung ano ang kailangan mo kay Gracia."
"Gusto kong humingi ng tawad. Marami akong kasalanan sa kanya at sa aming anak."
Nang marinig ko ang salitang anak ay lalo na akong nakabuo ng konklusyon na ang nasa harap ko ay ang aking ama. Pero minabuti kong marinig ang lahat. Gusto ko ay marinig naman sa kanya ang kabilang panig ng kuwento.
"Naging kasintahan ko si Gracia, mahigit dalawampung taon na ang nakalilipas. Nasa high school pa siya noon at ako naman ay nasa kolehiyo. Mayaman ang aming pamilya kaya sunod sa lahat sa anumang magustuhan.
Hiniwalayan ko siya noong tatlong taon ang aming anak. Mayroon din kasi akong sariling pamilya."
"Ano po ang anak ninyo kay Gracia, babae o lalaki?"
"Babae."
Lalo nang kumalat ang aking pagdududa kay Mang Frank. Ang ikinuwento ni Inay sa akin noon ay walang ipinagkaiba sa sinabi ni Mang Frank ngayon.
Kutob ko si Mang Frank ang aking ama. Palakas pa nang palakas ang tibok ng aking puso. Pinagpapawisan ako. Gamunggo.
(Itutuloy)