Salamat, hinango mo ako sa putikan! (Ika-17 na labas)

(Batay sa kasaysayan ng isang nagpapatago sa pangalang Che)

KUNG tutuusin, may katiting pang puso ang aking ama kaysa ama ng kapatid kong si Donna sapagkat tatlong taon ding ibinahay at sinustentuhan ang aking ina. Bukod sa hindi na nagbibigay ng sustento ang ama ni Donna ay sinasaktan pa raw si Inay.

"Katawan lamang kasi ang gusto sa iyo ng mga lalaki Gracia," sabi raw ni Lola kay Inay nang iwan ng ama ni Donna. "Maganda ka kasi at sariwa pa. Pero kapag nabuntis na, wala na. Kaya sana ay hindi ka nagpapabuntis…"

Hindi naman daw makasagot si Inay kay Lola. Alam daw ni Inay na tama si Lola.

"Sana, mag-isip ka muna Gracia bago muling makipagrelasyon. Kawawa naman kasi ang mga bata na lumalaki na walang nakikitang ama," sabi pa raw ni Lola na hindi naman galit kundi nagpapaalala lamang.

"Gagawin ko Inay," sagot ng aking ina kay Lola.

"Pero kahit na ano ang mangyari sa’yo narito ako sa likod mo. Hindi kita pababayaan at ang aking mga apo."

"Salamat Inay. Hayaan mo at kapag malakas na ako, maghahanap muli ako ng club na mapagsasayawan."

"E doon sa dati mong club?"

"Hindi na ako tatanggapin doon, Inay. Nanganak na kasi ako. Ayaw nila ng nanay na."

"May tatanggap pa kaya sa’yong ibang club?"

"Meron pa Inay."

Pero mali ang akala ni Inay, wala nang tumanggap sa kanya. Wala na yata siyang appeal. (Itutuloy)

Show comments