Darang sa Baga (Ika-205 na labas)

(Kasaysayan ni Nena ng Mandaluyong City)

NATAKOT ako sa inasal ni Sancho. Siya pa ang matapang nang pagsabihan ko. Tatamaan daw ako kapag hindi tumigil sa pagsasalita.

Hindi ako nakapagsalita sapagkat natakot ako sa maaari niyang gawin. Baka lalong uminit ang ulo at mag-eskandalo. Malalaman ng mga kapitbahay ang aming sekreto.

"Huwag kang dadada diyan at baka kung ano ang magawa ko sa iyo at diyan sa mga anak mo..." sabing paulit-ulit ni Sancho. Lasing pa ang gago. Isinubsob ko ang mukha sa unan para hindi makita ang ginagawa.

Maya-maya’y tumahimik na ang gago. Tumabi sa akin sa pagtulog. Niyakap ako. Saka unti-unting gumala ang kamay sa katawan ko. Bumulong. Gusto raw niya. Ano ang magagawa ko? Kaysa magkagulo, pinagbigyan ko. Nakaraos. Mahimbing na nakatulog. Malakas ang hilik.

Kinabukasan, nilalambutsing ako. Nag-sorry. Lasing daw siya. Okey lang sa akin. Pagkatapos ay humingi na naman ng pera. At ewan ko kung bakit akong si Gaga ay madaling utuin. Isang himas lang at laglag na ako. Bigay na naman.

(Itutuloy)

Show comments