Darang sa Baga(195)

(Kasaysayan ni Nena ng Mandaluyong City)

NAUNA pa akong bumangon kay Sancho na parang ayaw pang bumangon. Pinilit kong gisingin subalit parang mantika.

Nang lumabas ako ay naglalaro na sa salas ang panganay kong anak. Ayaw tumingin sa akin.

Nagpunta ako sa comfort room at umihi. Paglabas ko ay naghuhugas ng pinggan si Lani. Nang makita akong lumabas sa CR ay parang nakakita ng ahas. Hintakot.

"Ate!"

"Ano?"

"Si Kuya po tumawag kagabi..."

Kumabog ang dibdib ko. Kaya pala hintakot si Lani.

"Anong sabi mo?"

"Sabi ko may pinuntahan."

"Anong sabi?"

"Tinanong ako kung saan. Sabi ko hindi ko alam."

"Ano pang tinanong?"

"Sino raw ang kasama mo?"

"Anong sagot mo?"

"Hindi ako sumagot Ate."

"Bakit hindi ka sumagot. Sana sinabi mong wala."

"E kasi’y hindi ko agad naisip iyon."

"Nang hindi ka makasagot anong sabi?"

"Pilit niya akong tinanong. Saka ko lang nasabi na wala kang kasama."

"Ay tanga. E di naghinala na yon."

"Ate hindi ko talaga alam ang sasabihin. Nalilito kasi ako."

"Tatawag ba siya uli?"

"Hindi sinabi Ate."

"Kapag tumawag at nagtanong uli. Sabihin mo naghahanap ako ng trabaho at may kasamang babae. Maliwanag?"

"Opo Ate."

Pumasok ako sa kuwarto at nakita kong tulog na tulog pa rin si Sancho. Ang aking bunsong anak na nasa sahig ay tulog na tulog din.

Muli akong tumabi kay Sancho sa kama.

(Itutuloy)

Show comments