Darang sa Baga(174)

(Kasaysayan ni Nena ng Mandaluyong City)

HINDI na ako nakapag-Saudi. Maraming beses akong nag-try matapos kong maipanganak ang aming panganay ni Ramon pero wala nang suwerte. Sumuko na ako. Sabi ni Ramon, tigilan ko na raw ang pag-aaplay at intindihin na lamang ang aming anak.

Sa bahay ni Inay kami nakatira. Gusto ni Ramon na bumukod kami pero nakiusap si Inay. Wala raw siyang kasama sa bahay. Matanda na siya. Hindi rin naman daw nagpupunta roon ang kapatid kong si Maricel.

"At saka hindi na kayo babayad ng renta rito. Magkano ang upa ng bahay ngayon? Sayang din…"

Pumayag si Ramon.

Ipinaayos namin ang bahay. Ginawang tatlong kuwarto. Pinapalitan namin ang bubong sapagkat kinakalawang na ang yero. Pinapalitan namin ang kisame at mga partisyon ng silid.

Ang lupang kinatitirikan ng bahay ay nabili umano ni Itay sa murang halaga lamang. Pinatayuan ng bahay. Sabi ni Inay, mabuti nga raw at bago nagloko si Itay ay nakapagpundar kahit kapiranggot na lupa at bahay.

Hindi ko akalain na may darating na namang dagok sa aking buhay. Namatay si Inay. Matindi ang atake sa puso. Inabot habang karga ang aking anak. Ako ay nasa kapitbahay at nakikipagsugal.

(Itutuloy)

Show comments