Darang sa Baga(158)

(Kasaysayan ni Nena ng Mandaluyong City)

HINDI ko ipinaalam kay Inay ang balak na pagpunta sa condo namin ni Fil. Kung sasabihin ko sa kanya tiyak na hindi ako papayagan. Nang tanungin ako kung saan pupunta, sinabi kong maghahanap ng trabaho. Tumingin sa akin nang makahulugan si Inay.

Hindi ko alam kung bakit naisipan kong magtungo sa condo. Siguro’y dahil sa malakas ang kutob ko na maaari pa akong patawarin ni Fil sa kabila ng nagawa ko. Basta naisipan kong pumunta sa condo sa kabila na maaaring makaharap ko na naman ang magkapatid na Liza at Jen. At nakahanda ako anuman ang gawin nila sa akin. Tatanggapin ko. Magpapakababa ako. Kung iyon ang kailangan para mapatawad ni Fil. Handa na akong tumanggap ng mga masasakit na salita o maski sampal. Maski higit pa roon kung kinakailangan.

Bago na ang mga guwardiya sa entrance ng condo. Nag-iwan lamang ako ng ID at pinaakyat na ako sa third floor.

Hindi na ako gumamit ng elevator. Habang umaakyat ay kung anu-ano ang aking naiisip. Ano kaya ang gagawin sa akin ng magkapatid kapag nakita ako? Ano kaya ang sasabihin ni Fil? Baka kung ano ang gawin nila sa akin.

Third floor na. Ilang hakbang na lamang at ang dating tirahan ko na.

Maliwanag sa lo-ob. Lalo nang dumalas ang aking kaba. Huwag ko na kayang ituloy. Pero nandoon na kaya, lakas loob na.

Kumatok ako. Mabilis na may nagbukas ng pinto.

Isang babae ang nasa harapan ko. Hindi si Liza o si Jen.

"Ano po ang kailangan?"

Hindi ako nakapagsalita.

"May kailangan ka ba?" tanong ng babae.

Saka lamang ako nahimasmasan.

"Si Mr. Fil nandiyan."

"Hindi na siya may-ari nito. Pinagbili na sa amin."

"Nasaan na si Mr. Fil?"

"Patay na!"

(Itutuloy)

Show comments