GANOON kabilis ang mga pangyayari. Parang kailan lang ay magkasalo kami ni Carlo sa guest room ng condo namin ni Fil at ngayon ay "kakainin na siya ng lupa". Parang ayaw ko pang maniwala sa mga nangyari. Dahil sa pakikipagrelasyon ko kay Carlo kaya pinalayas ako ni Fil sa condo. Natukso kasi ako. Hindi ko napaglabanan ang tukso. Inaamin ko naman na mahina ako pagdating sa tawag ng laman. At masisisi ko ba ang aking sarili gayong wala na namang maipagkaloob sa akin si Fil. Inutil na siya. Dekorasyon na lamang ang tinawag kong "Ibong Adorno". Sabi nga ni Inay bakit hindi ko raw nilabanan ang panunukso ni Carlo. Nasa banig na raw ako ay muli pang bumalik sa sahig.
Ano ang magagawa ko? Tao nga lang ako na madaling matukso. Hindi naman habambuhay na magsisilbi lamang ako sa asawang inutil.
Kung marunong lang akong manghula na mga nangyayari sanay nalaman ko na ang lahat. Kung nahulaan kong mamamatay lamang si Carlo sa ganoon kadaling panahon ng aming pagsasama, sanay hindi na nga ako muling nakipagrelasyon sa kanya.
Isang buwan makaraang mailibing si Carlo, sinubukan kong bumalik sa condo namin ni Fil. Ewan ko sa aking sarili kung bakit naisipan kong magtungo roon.
(Itutuloy)